MANILA, Philippines – Hinimok ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo ang publiko na panatilihin ang paggalang sa mga labi ng mga yumao at palakasin ang sama-samang pananalangin ng pamilya ngayong Undas.
Pinayuhan ni Bishop Pabillo ang mga pamilyang nagpapakremasyon sa kanilang mga mahal sa buhay na ilagak ang abo sa simbahan o itinalagang pampublikong lugar, sa halip na kumuha ng bahagi nito upang gawing palamuti sa kuwintas o personal na alaala.
Ayon sa Obispo, mahalagang igalang at panatilihin ang integridad ng mga labi ng yumao upang maiwasan ang pagkawala, pagpapabaya o paglapastangan sa mga ito.
Hinikayat din niya ang mga dadalaw sa sementeryo na maglaan ng panahon sa pananalangin at pagdalo sa Banal na Misa, lalo na’t sasapit sa Linggo ang Nobyembre 1 ngayong taon.
“Sa Undas po, ‘yan po ang nagpapatandang pagkakataon para sa mga pamilya na magkasama-sama. Kaya maraming mga taon naglalakbay papunta po sa kanilang mga bayan upang makaisa sa kanilang pamilya at makaisa rin sa kanilang mga yumao. Para sa atin po, ang mga yumao natin ay bahagi pa rin ng ating pamilya. Kaya nga umuuwi tayo sa kanila at doon nakikita-kita ang mga magkakamag-anak, ang mga magkakaibigan. Sana mas lalo nating palakasin ito sa ating sama-samang pagdarasal, lalong-lalo na ngayong taon na ang November 1 ay araw ng Linggo, magsimba po tayo,” ani Bishop Pabillo.
Nauna na ring nanawagan si Rev. Father Nicanor Lalog II sa mga mananampalataya na itigil ang paglapastangan sa mga labi ng mga yumao. Jocelyn Tabangcura-Domenden