Home HOME BANNER STORY LPA, shear line, amihan magpapa-ulan sa ilang lugar sa bansa

LPA, shear line, amihan magpapa-ulan sa ilang lugar sa bansa

4
0

MANILA, Philippines – Inaasahang magdadala ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa sa Sabado, Oktubre 31, 2026, ang Low Pressure Area (LPA), Shear Line at Northeast Monsoon o Amihan, ayon sa PAGASA nitong Biyernes.

Sa 4 p.m. bulletin, sinabi ng PAGASA na magdudulot ang LPA ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, Mindanao at Palawan.

Alas-3 ng hapon, namataan ang LPA sa layong 475 kilometro silangan ng Borongan City, Eastern Samar. Gayunman, maliit ang posibilidad na maging tropical depression ito sa loob ng susunod na 24 oras.

Inaasahan namang magdadala ang Amihan ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan at isolated light rains sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at nalalabing bahagi ng Cagayan Valley.

Samantala, magdudulot ang Shear Line ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Cagayan, Isabela, Aurora at Quezon.

Posible rin ang localized thunderstorms sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon, na magdadala ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan at isolated rain showers o thunderstorms.

Iniulat din ng PAGASA na alas-3 ng hapon ay nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Super Typhoon In-fa, sa layong 2,560 kilometro silangan ng Northern Luzon. Taglay nito ang maximum sustained winds na 185 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 230 kilometro kada oras.

Katamtamang hangin at alon na may taas na 1.5 hanggang 2.5 metro ang inaasahan sa Luzon. Sa nalalabing bahagi ng bansa, mahina hanggang katamtamang hangin at bahagya hanggang katamtamang alon na may taas na 0.6 hanggang 2.1 metro ang inaasahan.

Sa PAGASA Science Garden weather station sa Diliman, Quezon City, naitala ang pinakamataas na temperaturang 30.8 degrees Celsius dakong alas-2 ng hapon nitong Biyernes, habang 25.3 degrees Celsius naman ang pinakamababa dakong alas-6 ng umaga. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here