MANILA, Philippines – Iginiit ng kampo ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na walang batayan ang manhunt operations ng Philippine National Police (PNP) laban sa senador dahil hindi umano siya kasama sa listahan ng mga taong may International Criminal Police Organization (Interpol) Red Notice.
Ayon kay Atty. Israelito Torreon, legal counsel ni Dela Rosa, batay sa impormasyong natanggap nila, wala pang Interpol Red Notice laban sa senador.
Ang Interpol Red Notice ay isang kahilingan sa mga law enforcement agency sa iba’t ibang bansa na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang tao habang hinihintay ang extradition o iba pang legal na proseso.
“May na-confirm nga ‘yung isang kasama natin na wala pala siya sa listahan ng red notice ng Interpol,” ani Torreon sa panayam sa telepono nitong Biyernes.
Wanted si Dela Rosa dahil sa arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y papel niya bilang hepe ng pambansang pulisya sa madugong kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nauna nang sinabi ng PNP na paiigtingin nito ang paghahanap sa senador matapos hindi ito sumunod sa isang linggong palugit. Naglaan din umano ng P50 milyon na pabuya para sa kanyang pagkakaaresto.
“Anong magiging basehan ng PNP sa paghahanap sa kanya. Kailangan ng ICC warrant na dumaan sa Interpol, pero wala pa lang kumpirmasyon na nandoon siya o may red notice against him,” giit ni Torreon.
Gayunman, inamin ng abogado na wala pa silang nakukuhang sertipikasyon o nakasulat na pahayag mula sa Interpol na magpapatunay na walang Red Notice laban sa senador.
Nauna namang sinabi ng Department of Justice na maipatutupad ang arrest warrant ng ICC kasunod ng aplikasyon para maglabas ng Red Notice laban kay Dela Rosa.
Noong Marso 2025, inaresto si Duterte at isinuko ng mga awtoridad ng Pilipinas sa ICC sa pamamagitan ng kahilingan ng Interpol kaugnay ng kasong crimes against humanity. RNT/MDS