BATANGAS, Philippines – Naghahanda ang mga awtoridad sa Batangas Port sa inaasahang pagdami ng mga biyahero ngayong Undas, bagama’t nananatiling kaunti pa ang mga pasahero at maayos ang daloy ng biyahe patungong MIMAROPA at ilang bahagi ng Visayas.
Wala pang mahahabang pila sa mga ticketing booth sa Passenger Terminal Building, habang karamihan ng mga upuan sa departure area ay bakante pa.
Nakapagtala ang Port Management Office (PMO) Batangas ng 10,698 pasahero noong Huwebes. Pagsapit naman ng tanghali nitong Biyernes, nasa 5,700 pasahero na ang dumaan sa pantalan, ayon kay Port Manager Aurora Mendoza.
Sa kabila ng mababang bilang, nananatiling nakaalerto ang mga awtoridad sa posibleng pagdagsa ng mga biyahero sa mga susunod na araw, lalo na ngayong magsisimula na ang holiday break ng mas maraming empleyado dahil sa suspensyon ng trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan.
“We are still monitoring the situation, especially since Monday is also a non-working day,” ani Mendoza.
Ibinanggit niyang maaaring nakaaapekto sa mabagal na pagdating ng mga pasahero ang mataas na pamasahe at kalagayan ng ekonomiya ng bansa.
Bilang bahagi ng paghahanda, ipinagpapatuloy ng Philippine Ports Authority (PPA) ang Online Reservation Assistance System (ORAS) upang matulungan ang mga pasahero na makapagpareserba ng tiket bago bumiyahe.
Kailangang magparehistro ang mga pasahero sa sistema at ipakita ang kanilang reservation sa mga tauhan ng PPA para sa beripikasyon bago bumili ng tiket sa mga shipping line.
May nakahandang mga tauhan sa pantalan upang tumulong sa mga walang internet access o hindi pamilyar sa online registration.
“Passengers only need to register. But for those who are not familiar with the process or do not have internet access, we have personnel on standby to assist them,” paliwanag ni Mendoza.
Tiniyak naman ng PMO Batangas na sapat ang mga barkong nakahanda ng mga shipping line upang matugunan ang inaasahang pagdami ng mga pasahero ngayong Undas. RNT/MDS