Home OPINION DON’T PANIC!

DON’T PANIC!

2
0

HABANG ang maraming mahihirap ay nagugutom at nag-aalala kung saan kukuha ng makakain.

Habang ang mga karaniwang manggagawa ay nag-iisip kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na sinasahod.

Habang ang mga ina ng tahanan ay natataranta kung aabot pa ba hanggang hapunan ang nabiling P60 na isang kilong bigas.

Habang si mister ay kinakabahan na baka hindi makapasok kinabukasan sa pinapasukang construction site o pabrika dahil kapos na siya sa pamasahe.

Habang ang mga magulang ay nag-aalala sa bayad sa upa sa bahay, sa kuryente, sa tubig, sa internet, sa baon ng anak at sa matrikula sa eskuwela.

At ang buong sambayanan ay hirap na hirap na sa dinaranas na delubyo sa kamay ng mga MAGNANAKAW sa gobyerno.

Sa patuloy na pagkalugmok ng ekonomiya dahil bugbog at hilahod na ang piso laban sa dolyar…ang sagot ng “pinakamagaling nating Presidente” ay…DON’T PANIC!

Anak ng pusa…iba ka talaga Mr. President. Ano bang klaseng PAMPAKALMA meron ka?
More “energy” at more “power” pa Mr. President!

@@@

Sinita ng People’s Budget Coalition ang napakalaking paglobo ng alokasyon sa 1st District ng Ilocos Norte ni Congressman Sandro Marcos, anak ni Pangulong Bongbong.

May inilaan ditong P4.37 bilyon hanggang P4.74 bilyon sa 405 proyekto ng Department of Public Works and Highways.

Ito ay kumakatawan sa ipagtaas ng humigit-kumulang P4.38 bilyon mula sa orihinal na P369 milyon na iminungkahi para sa distrito sa ilalim ng National Expenditure Program.

Si Sandro ang nangunguna sa lahat ng miyembro ng Kamara na may malaking insertions ng item sa imprastraktura sa General Appropriations Bill na inaprubahan ng Kamara para sa 2027.

Walang balak si Pangulong Marcos na ipabago ito at sa halip, ipinagtanggol pa nga ito ng Palasyo. Ay, langhiya!

@@@

Ayon pa sa PBC, isa rin sa nakatanggap ng malaking DPWH infrastructure allocations sa House approved version ng 2027 GAA Bill ang distrito ni Representative Gerville Luistro.

Si Luistro ang pinuno ng prosecution panel sa Impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Mukhang tama ang mga kritiko, heto yata ang kanyang “premyo” para maging masigasig sa pagsisikap na mapatalsik sa poder ang Pangalawang Pangulo.

Wala raw siyang alam dito. Itinuro niya ang DPWH bilang nagpakana ng badyet para sa mga proyekto sa kanyang lugar. Pareho sila ni Sandro na walang alam at maang-maangan.

Ganyan talaga kapag nabubuking ang mga “may balak na masama” sa pondo ng bayan. Laging walang alam, laging inosente. Mga santo at santita!

Pero sa dulo ng magkabilang labi, kita ang paglalaway sa labis na pagkahayok sa pera ng bayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here