SA isang workplace, mas madalas na nagsasama-sama ang iba’t ibang henerasyon ng empleyado mula sa Baby Boomers (ipinanganak noong 1946-1964), Generation X (1965-1980), Millennials (1981-1996) at Generation Z (1997-2012).
Iisa lang naman ang ating layunin kahit magkakaiba tayo ng edad, karanasan, pananaw at paraan ng pagtatrabaho. Ito ay ang makapagtrabaho nang matiwasay at makauwi nang ligtas, malusog at panatag ang kaisipan.
Pero baka tumaas ang panganib ng miscommunication kapag hindi tayo naging aware at nasolusyunan ang tinatawag na generation gap. Maaari kasi itong pagmulan ng hindi pagkakaunawaan, stress, mental health concerns at violence and aggression.
Para sa mga nakatatandang empleyado, maaaring mahalaga ang disiplina, personal na pakikipag-usap at pagsunod sa nakasanayang sistema. Samantala, may mga nakababatang manggagawa na mas komportable sa digital communication, flexible work arrangements, isang bagsakang instructions at agarang feedback. Kapag nagbanggaan ang mga pananaw na ito, madaling magkaroon ng maling interpretasyon, sama ng loob at tensyon sa trabaho.
Sa gitna nito, paano nga ba mapananatili ang mental health ng bawat empleyado?
Una, pairalin ang respeto at bukas na komunikasyon. Iwasang husgahan ang katrabaho dahil lamang sa edad. Hindi lahat ng senior employee ay sarado sa pagbabago, at hindi rin lahat ng kabataan ay kulang sa disiplina.
Ikalawa, palakasin ang mentoring at reverse mentoring styles. Maaaring ibahagi ng mga beteranong empleyado ang kanilang karanasan, habang makatutulong naman ang mga nakababata sa paggamit ng bagong teknolohiya. Sa ganitong paraan, kapwa sila natututo at nagkakaroon ng tiwala sa isa’t isa.
Ikatlo, dapat palakasin ng management ang malinaw na polisiya laban sa bullying, harassment, discrimination at anomang uri ng pangmamaliit. Mahalaga rin kasi ang patas na workload, sapat na pahinga, makataong pamumuno at access sa mental health support.
Hindi lamang pisikal na kaligtasan ang bahagi ng occupational safety and health. Kabilang dito ang psychosocial hazards na maaaring makaapekto sa emosyonal at mental na kalagayan ng manggagawa.
Ang generation gap ay hindi dapat maging dahilan ng pagkakawatak-watak. Dapat itong ituring na oportunidad para sa continuous improvement, upang matuto at maging flexible habang pinapalitan ang negative vibes ng pagmamalasakit at pagtutulungan para sa positive safety and health culture.






