MANILA, Philippines – Pinaigting ang mga hakbang pangkaligtasan sa Manila Port ngayong Undas, kasunod ng insidente kung saan tumagilid sa kanang bahagi ang isang RoRo vessel sa Real, Quezon, nitong Biyernes ng umaga.
Sa ulat, nagsagawa ng masusing inspeksyon ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pantalan upang matiyak na maayos at ligtas ang pagkakakarga ng mga kargamento sa mga barko.
“Binigyan na po natin ng instruction ang ating mga inspector na busisiin nang maigi ‘yung mga cargo lalong-lalo na itong mga rolling cargo o mga sasakyan na sakay ng vessel, na siguraduhing nakatali at maayos dahil konting galaw lang po ng barko maaari po ‘yang mag-move at ma-outbalance ang barko pwede po siyang tumagilid,” pahayag ni Coast Guard Station Manila Deputy Commander P/Lt. Luther Quela.
Ayon sa North Port manager, mas kaunti ang mga pasahero ngayong taon kumpara noong nakaraang taon. Umabot sa mahigit 1,100 ang bilang ng mga pasahero noong Biyernes.
Mababa rin ang bilang ng mga pasahero sa Batangas Port. Mula hatinggabi hanggang alas-4 ng madaling-araw nitong Biyernes, mahigit 2,100 pasahero lamang ang dumating, kasama ang 358 rolling cargo.
Noong Huwebes, umabot sa 7,000 ang mga pasaherong umalis mula sa pantalan ng Batangas, kumpara sa 12,000 noong 2025.
“Matumal pa ang pagdating ng pasahero ngayon, compared noong isang taon. Nagmahal talaga ang pamasahe. Mauunawaan naman natin ang mga shipping lines because alam naman natin na mataas na ang presyo ng produktong petrolyo,” pahayag ni Batangas Port Manager Aurora Mendoza.
Samantala, pinaalalahanan ng PCG ang publiko na hindi pinapayagan ng mga shipping company ang pagsakay ng mga electric at hybrid vehicle sa mga barko bilang bahagi ng pinaigting na pag-iingat sa kaligtasan. RNT/MDS