BATANGAS, Philippines – Bumaba ang sulfur dioxide emissions ng Bulkang Taal sa 217 metriko tonelada sa pinakahuling 24-oras na monitoring period, habang tumaas naman ang naitalang mga lindol bulkaniko, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Sabado, Oktubre 31.
Mas mababa ito kumpara sa daily average na 424 metriko tonelada mula Oktubre 28 hanggang 30. Umabot naman sa 500 metro mula sa Main Crater ang gas plume na tinangay patimog-kanluran.
Naitala ng Phivolcs ang 23 lindol bulkaniko sa nakalipas na 24 oras, mas mataas kumpara sa 10 noong nakaraang araw. Nakararanas ng seismic activity ang bulkan sa halos lahat ng araw ngayong buwan, na umabot sa pinakamataas na 43 lindol noong Oktubre 19.
Walang naitalang lindol o pagyanig noong Oktubre 1, 3, 4, 5 at 7.
Kasunod ito ng serye ng phreatic o steam-driven eruptions at phreatomagmatic eruptions sa Taal ngayong Oktubre. Naitala ang mga phreatic eruption noong Oktubre 19, 20 at 21, habang nagkaroon naman ng phreatomagmatic eruption noong Oktubre 8, dalawa noong Oktubre 21 at isa pa noong Oktubre 22.
Wala namang naobserbahang pag-angat ng maiinit na volcanic fluid sa Main Crater Lake at walang naitalang volcanic smog o vog sa pinakahuling monitoring period.
Nananatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal, na nangangahulugang patuloy itong nakararanas ng mababang antas ng unrest.
Nagbabala ang Phivolcs na posible pa rin ang biglaang phreatic eruption, lindol bulkaniko, bahagyang pag-ulan ng abo at mapanganib na pagbuga ng volcanic gas. RNT/MDS