Home NATIONWIDE Pagbabantay sa badyet vs corruption, pinaghihigpitan ni Lacson

Pagbabantay sa badyet vs corruption, pinaghihigpitan ni Lacson

1
0

MANILA, Philippines – Kailangan ang tuloy-tuloy na pagbabantay upang matiyak na pinoprotektahan ng mga batas ang mamamayan sa halip na gamiting panangga sa mga tiwali, lalo na ngayong tinatalakay sa Kongreso ang panukalang pambansang budget para sa 2027, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Biyernes.

Pinuri ni Lacson ang People’s Budget Coalition at mga kaalyado nito sa patuloy na pagbabantay sa proseso ng pagbubuo ng budget, at pagsita sa mga pagsingit sa panukalang budget na inaprubahan ng Kamara na walang sapat na dokumentong sumusuporta sa mga ito.

“A MESSAGE OF GRATITUDE TO THE ‘PEOPLE’S BUDGET COALITION’ (Not originally mine) — ‘When the law fails to protect us from the corrupt and instead protects the corrupt from us, we are doomed as a nation,'” ayon kay Lacson sa X.

Matagal nang isinusulong ni Lacson ang aktibong pakikilahok ng publiko sa proseso ng pagbubuo ng budget. Muli niyang inihain noong nakaraang taon ang Senate Bill No. 32, na naglalayong gawing institusyonal ang pakikilahok ng mga civil society organization (CSO) sa paghahanda at pag-apruba ng taunang pambansang budget.

Isa ang PBC sa mga grupong nagsusulong ng transparency sa budget na nakausap ni Lacson sa isang pagdinig ng Senate Committee on Finance noong Oktubre 26.

Matapos ang pagdinig, pinasalamatan ni Lacson ang PBC at iba pang grupong may kaparehong adbokasiya sa pagsasapubliko ng kanilang pagsusuri sa halos 7,000 proyekto na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P190 bilyon sa panukalang budget na inaprubahan ng Kamara.

Nitong Biyernes, nanawagan ang PBC sa House Appropriations Committee na ilathala ang mga dokumentong sumusuporta sa mga kuwestiyonableng insertion sa panukalang budget at magtatag ng mekanismo para makapagsagawa ang publiko ng beripikasyon, paglilinaw at pagwawasto, bukod sa iba pang hakbang.

Giit ng grupo, kung maipapasa ang panukalang budget na inaprubahan ng Kamara nang walang “system of verification of publicly available supporting documents by civil society and media,” maaaring maulit ang flood control scandal, ngunit sa ibang ahensiya naman.

Inihayag din ng PBC ang plano nitong magsagawa ng mga online workshop upang mapalawak ang kaalaman ng publiko tungkol sa budget at mahikayat ang higit na pakikilahok nito sa proseso ng pagbubuo ng budget.

Sinabi ni Lacson na lalo pang pinagtibay ng impormasyong ibinahagi ng PBC at iba pang grupo sa pagdinig noong Oktubre 26 ang kanyang determinasyong pangalagaan ang pondo ng bayan, kabilang ang paggawa ng mga kinakailangang hakbang upang makulong ang mga responsable.

“From One Trillion March to One Trillion Pork — and all the way to Payatas!” aniya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here