TACLOBAN CITY, Philippines – Halos 20,000 pulis, tauhan ng mga katuwang na ahensya at boluntaryong sibilyan ang itinalaga sa iba’t ibang bahagi ng Eastern Visayas upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa paggunita ng Undas.
Ayon sa Police Regional Office 8 (PRO-8), umabot sa 19,972 ang ipinakalat nitong mga tauhan at force multiplier mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 upang mapanatili ang kaayusan sa mga sementeryo, simbahan, terminal, pangunahing lansangan at pasyalan.
Inilagay ni PRO-8 Regional Director Brig. Gen. Romano Cardiño ang buong rehiyon sa full alert status mula alas-12:01 ng madaling-araw ng Oktubre 30 hanggang alas-12:01 ng madaling-araw ng Nobyembre 3 upang matiyak ang kahandaan ng mga yunit ng pulisya sa buong Undas.
Sa kabuuang bilang, 5,827 ang mga pulis, kabilang ang 385 mula sa regional headquarters. Ang iba pa ay itinalaga sa anim na provincial police office at sa Tacloban at Ormoc city police office.
Sasaklawin ng operasyon ang 326 pampubliko at pribadong sementeryo at 11 memorial park sa rehiyon. Nagtayo rin ng 343 Police Assistance Desk upang tumulong sa mga dumadalaw.
May 2,165 tauhan ang itinalaga sa mga sementeryo at memorial park, habang ang iba ay magbabantay sa mga lugar sambahan, pangunahing kalsada, transport hub at pasyalan.
Kabilang din sa deployment ang 697 tauhan para sa mobile patrol at 1,433 para sa checkpoint operations.
Tutulong sa pulisya ang 2,193 tauhan mula sa mga katuwang na ahensya, kabilang ang Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection. Mayroon ding 11,952 force multiplier mula sa mga lokal na pamahalaan, Barangay Peacekeeping Action Team at mga traffic enforcement group.
Binigyang-diin ni Cardiño ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga law enforcement agency, lokal na pamahalaan at komunidad upang matiyak ang mapayapang paggunita ng Undas.
Ayon sa kanya, makatutulong ang koordinadong pagkilos ng mga pulis at kanilang mga katuwang upang maprotektahan ang publiko at matiyak na ligtas na mabisita ng mga pamilya ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay. RNT/MDS