Home TOP STORIES Sinasabing palihim na operasyon ng Tsina sa ilalim ng dagat sa Panatag,...

Sinasabing palihim na operasyon ng Tsina sa ilalim ng dagat sa Panatag, binatikos ni Goitia

5
0

Mariing kinondena ni Dr. Jose Antonio Goitia ang umano’y lihim na operasyon ng China sa ilalim ng dagat malapit sa Panatag Shoal (Bajo de Masinloc), na aniya’y posibleng naglalayong mangalap ng impormasyong magagamit sa mga operasyong militar.

Ayon kay Goitia, hindi dapat manahimik ang Pilipinas sa harap ng mga aktibidad ng mga barkong Tsino na posibleng nagbabanta sa seguridad at karapatan ng bansa sa karagatan.

Kabilang sa mga iniulat na operasyon ang paggamit ng binagong mga barko ng People’s Armed Forces Maritime Militia (PAFMM), na tinatawag na “ghost research ships.” Nagpapanggap umanong nagsasagawa ng siyentipikong pananaliksik ang mga ito habang nagpapakawala ng autonomous underwater vehicles (AUVs) o mga sasakyang walang sakay na tao na gumagalaw sa ilalim ng dagat.

Posibleng ginagamit ang naturang mga kagamitan upang tukuyin ang mga rutang maaaring daanan ng mga submarino at mangalap ng mahahalagang datos na makatutulong sa operasyong militar ng China.

Sinisiyasat din ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang kagamitang may mga sensor at antenna na namataan sa barkong Tsino sa loob ng lagoon ng Panatag Shoal. Inaalam kung ito ay submersible o kagamitang ginagamit sa mga operasyon sa ilalim ng dagat.

Binigyang-diin ni Goitia na hindi dapat gawing panakip ng Beijing ang siyentipikong pananaliksik upang maisagawa ang mga aktibidad na posibleng may layuning militar.

“Dapat itigil ng Tsina ang pagkilos na para bang pag-aari nito ang ating karagatan. Sobra na ang pananakot at panggigipit sa ating katubigan. May karapatan tayong malaman kung ano ang ginagawa ng mga dayuhang barko rito,” ani Goitia.

Iginiit din niya na hindi kailangang humingi ng pahintulot ang Pilipinas sa ibang bansa upang ipagtanggol ang sariling karapatan at seguridad.

Binigyang-diin pa niya na sa ilalim ng Article 246 ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), kailangan ang pahintulot ng Pilipinas para sa marine scientific research sa Exclusive Economic Zone (EEZ) at continental shelf nito. Itinatakda naman ng Article 240 na dapat isagawa ang naturang pananaliksik para lamang sa mapayapang layunin.

Kasabay nito, pinuri ni Goitia ang Philippine Coast Guard, Philippine Navy, Armed Forces of the Philippines at iba pang lokal at kaalyadong institusyon na patuloy na nagbabantay at nagtatanggol sa karapatan ng bansa.

Ayon sa kanya, nararapat lamang na maramdaman ng mga tauhang nasa frontline na buo ang suporta ng pamahalaan at sambayanang Pilipino sa kanilang tungkulin.

Wala umanong hangarin ang Pilipinas na makipagdigma, subalit hindi rin nangangahulugan ang pagpapanatili ng kapayapaan na hahayaan na lamang nitong yurakan ng ibang bansa ang mga karapatan nito.

“Hindi tayo yuyukod sa pananakot. Hindi natin isusuko ang ating mga karapatan sa karagatan,” mariing pahayag ni Goitia.

Si Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), Kabataang Artist at Manunulat para sa Sining at KultuRA (KAMASKARA), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here