Home NATIONWIDE Emergency responders sa Eastern Samar sinanay ng French firefighters, namigay ng drone

Emergency responders sa Eastern Samar sinanay ng French firefighters, namigay ng drone

6
0

MANILA, Philippines – Tumanggap ng dalawang tactical drone ang mga emergency responder sa Guiuan, Eastern Samar mula sa isang French emergency response team na nagsagawa rin ng pagsasanay sa firefighting at disaster response upang mapalakas ang kahandaan ng bayan sa mga sunog sa kagubatan at iba pang kalamidad.

Dumating sa Guiuan nitong Biyernes, Oktubre 30, ang Pompiers de l’Urgence Internationale (PUI) o International Emergency Firefighters, sa pangunguna ng founder at president nitong si Philippe Besson, upang ipagkaloob ang mga kagamitan at ibahagi ang kanilang kaalaman sa Community Fire Auxiliary Groups at iba pang lokal na emergency personnel.

Isinagawa ang pagsasanay sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaang munisipal, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Bureau of Fire Protection-Guiuan Fire Station.

Inaasahang magagamit ang mga drone sa aerial surveillance, pagmamanman sa mga lugar na tinamaan ng sunog, pagtukoy sa mga posibleng panganib at pagtatasa ng sitwasyon sa panahon ng emergency operations.

Bukod sa pamamahagi ng kagamitan, nagsagawa rin ang French team ng aktuwal na pagsasanay sa forest firefighting at pagpapatakbo ng drone, partikular para sa mga responder sa Homonhon Island.

Bahagi rin ng kanilang misyon ang pagsusuri sa kakayahan ng mga lokal na responder, pagtukoy sa kakulangan sa paghahanda sa kalamidad at pagtatasa sa mga posibleng panganib mula sa sunog sa kagubatan, lindol at bagyo.

Nagbigay din ang grupo ng pagsasanay sa crisis management at emergency operations upang mapabuti ang kaligtasan at kakayahan ng mga frontline responder sa harap ng tumitinding panganib dulot ng climate change.

Nagpasalamat naman si Councilor Mary Charmaine Villar, pangulo ng Liga ng mga Barangay, na kumatawan kay Mayor Annaliza Gonzales-Kwan, sa tulong at teknikal na suporta ng French team.

Kabilang sa delegasyon ng PUI ang mga French firefighter na sina Willy Guerin, Remy Desbois at Didier Babin.

Layunin ng naturang pakikipagtulungan na palakasin ang kakayahan ng Guiuan sa pagtugon sa mga kalamidad, partikular sa mga komunidad sa mga isla kung saan mas mahirap ang pag-access at pagsasagawa ng emergency operations.

Matatandaang nakapagtala ng mga sunog sa kagubatan sa makasaysayang Homonhon Island noong unang bahagi ng taon dahil sa matinding init ng panahon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here