MANILA, Philippines – Isang lalaking wanted sa kasong pagpatay sa Malabon ang naaresto sa pinagtataguan nito sa lalawigan ng Bataan makaraang matunton ang pulisya, napaulat nitong Biyernes, Oktubre 30.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ang akusado bilang si alyas “Toyo”, 31, at nakatala bilang No. 1 Top Most Wanted Person sa NPD.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission na nagtatago umano ang akusado sa nasabing probinsya kaya agad nagkasa ang pulisya ng manhunt operation laban sa puganti.
Pasado alas-10:35 ng umaga nang tuluyang masukol ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon CPS si alyas Toyo sa kanyang hide out sa Hermosa, Bataan.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ang arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), Branch 291, Malabon City, noong October 24, 2023, para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail. Merly Duero