MANILA, Philippines – Umabot sa 22 public utility vehicle (PUV) drivers sa Zamboanga Peninsula ang nagpositibo sa paunang resulta ng drug testing na isinagawa sa iba’t ibang transport terminal bilang bahagi ng paghahanda sa Undas nitong Huwebes, Oktubre 29.
Isinagawa ang sorpresang operasyon na tinawag na “Oplan Harabas” ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office IX (PDEA-RO9) katuwang ang Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine National Police (PNP), mga lokal na anti-drug abuse council, pamunuan ng mga bus terminal at Rural Transit Mindanao, Inc.
Sa kabuuang 1,213 driver at konduktor na sumailalim sa drug testing sa buong rehiyon, 22 driver ang nagpositibo sa paunang pagsusuri.
Kabilang sa mga ito ang 17 tricycle driver, tatlong jeepney driver, isang bus driver at isang van driver.
Pinakamaraming naitalang nagpositibo sa Zamboanga City na may 10 kaso, sinundan ng Zamboanga del Sur na may lima, Zamboanga del Norte na may apat at Zamboanga Sibugay na may tatlo.
Ayon sa PDEA-RO9, sasailalim pa sa laboratory confirmatory testing ang mga paunang positibong resulta. Pansamantalang kinumpiska ng LTO ang mga lisensya ng mga driver habang hinihintay ang opisyal na resulta.
Ang mga driver na makukumpirmang positibo ay ire-refer sa kani-kanilang local anti-drug abuse council para sa kaukulang rehabilitation at intervention programs.
Bukod sa drug testing, nagpakalat din ang PDEA ng mga K-9 unit upang inspeksyunin ang mga bagahe ng pasahero sa mga pangunahing terminal at maiwasan ang pagdadala ng ilegal na droga sa mga pangunahing ruta ng transportasyon.
Namahagi rin ang mga awtoridad ng information, education and communication materials upang mapalawak ang kaalaman ng mga commuter tungkol sa pag-iwas sa ilegal na droga.
Pinuri naman ni PDEA-RO9 Regional Director Bryan Babang ang kooperasyon ng mga katuwang na ahensya, lokal na pamahalaan at pribadong sektor.
Binigyang-diin niya na mahalagang matiyak na walang gumagamit ng ilegal na droga sa hanay ng mga transport operator upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga pasahero at maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Ayon sa PDEA-RO9, regular na ipagpapatuloy ang mga operasyon sa ilalim ng Oplan Harabas sa buong rehiyon upang matiyak ang responsableng pagmamaneho at kaligtasan ng publiko. RNT/JGC