Home HOME BANNER STORY Libo-libong dumagsa sa mga sementeryo sa Pasig, Parañaque, Pasay nitong Nob. 1

Libo-libong dumagsa sa mga sementeryo sa Pasig, Parañaque, Pasay nitong Nob. 1

3
0
(c) Eric Ocapan

MANILA, Philippines — Libo-libong pamilya ang nagtungo sa mga sementeryo sa Pasig, Parañaque at Pasay City nitong Linggo, Nobyembre 1, upang gunitain ang Undas at dalawin ang puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Sa Pasig City, nasa 23,000 katao na ang naitalang bumisita sa limang sementeryo hanggang alas-3 ng hapon, batay sa monitoring ng city government, barangay officials at mga ahensya ng national government.

(c) Eric Ocapan

Halos 800 tauhan mula sa lokal at barangay governments at national agencies ang ipinakalat upang tiyakin ang seguridad, kaayusan at kalinisan sa mga sementeryo.

Mananatiling naka-activate hanggang Nobyembre 2 ang Incident Management Team ng lungsod para sa patuloy na monitoring ng Undas operations.

Sa Parañaque City naman, umabot sa 131,600 ang naitalang bisita sa apat na sementeryo, kung saan 110,200 ang nagtungo sa Manila Memorial Park-Sucat.

Nasa 1,600 city government personnel, pulis at volunteers ang ipinakalat upang tumulong sa mga bumibisita.

Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang 124 ipinagbabawal na gamit, kabilang ang mga lighter, sa mga isinagawang inspeksyon sa mga sementeryo at sa Parañaque Integrated Terminal Exchange.

Samantala, sa Pasay City Public Cemetery, namahagi ang lokal na pamahalaan ng libreng arroz caldo, lemonade at banana chips sa mga pamilyang dumalaw sa kanilang mga yumaong kaanak.

Pinangunahan ni Mayor Emi Calixto-Rubiano ang inisyatiba bilang dagdag na serbisyo sa mga bisitang ilang oras na nanatili sa sementeryo para maglinis ng puntod, magdasal at makasama ang kanilang pamilya.

Patuloy namang nagpaalala ang mga lokal na pamahalaan sa publiko na mag-ingat at makipagtulungan sa mga ipinatutupad na patakaran upang mapanatiling maayos at mapayapa ang paggunita ng Undas. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here