MANILA, Philippines — Arestado ang isang 27-anyos na lalaki sa Malate, Maynila dahil sa kasong statutory rape kaugnay ng umano’y panggagahasa sa isang 13-anyos na menor de edad.
Nasakote ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Manila Regional Trial Court Branch 29 noong Oktubre.
Ayon sa pulisya, naganap umano ang insidente noong Agosto sa Santa Ana, Maynila.
Itinanggi naman ng suspek ang alegasyon at iginiit na pumayag umano ang menor de edad sa nangyari sa kanila.
Gayunman, sinabi ni Police Major at Atty. Jake Serrano Arcilla, hepe ng Crime Investigation Section, na hindi maaaring gamiting depensa ang umano’y consent dahil 13-anyos lamang ang biktima.
Sa ilalim ng batas, itinuturing na statutory rape ang pakikipagtalik sa isang menor de edad na wala pang 16-anyos, maliban sa limitadong close-in-age exception.
Sinabi naman ng ina ng biktima na lumipas ang tatlong araw bago nakapagsumbong ang kanyang anak dahil umano sa takot.
Ayon pa kay Arcilla, magkaiba ang bersyon ng biktima at ng akusado kaya korte na ang magpapasya sa kaso batay sa mga ebidensyang ihaharap ng magkabilang panig.
Nananatiling nakakulong sa Manila Police District ang suspek habang nahaharap sa kasong statutory rape. RNT