Home OPINION ANTI-COLORUM O ANTI-PANG-AABUSO

ANTI-COLORUM O ANTI-PANG-AABUSO

3
0

MADALAS nating marinig sa Highway Patrol Group, Department of Transportation, Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang kanilang kampanya laban sa mga COLORUM.

Tama lamang na hulihin ang mga lumalabag, ngunit dapat malinaw ang pagkakaiba ng iligal na pamamasada at simpleng pagpapahiram ng sasakyan.

COLORUM ang pribadong sasakyang ginagamit bilang for hire nang walang prangkisa o may expired na prangkisa. Saklaw din nito ang paggamit ng prangkisa sa ibang uri ng serbisyo, gaya ng school bus na ginagawang UV Express, o ang pagbiyahe sa rutang hindi saklaw ng prangkisa.

Kaya kung may van for hire na walang kaukulang prangkisa, malinaw na may paglabag. Pero paano kung ngayong Undas ay ipinahiram lamang ang van sa kaibigan o kamag-anak upang magamit sa pamamasyal kasama ang pamilya o mga kaibigan?

Kung walang bayad ang paggamit ng sasakyan, hindi ito automatic na COLORUM. Kung walang renta at hindi ginagamit sa komersyal na pamamasada, hindi dapat basta-bastang ituring na iligal ang biyahe dahil lamang sa hinala ng enforcer.

Ang masama, may mga pagkakataong ang tamang hinala ay nagiging dahilan upang gipitin ang driver at mga pasahero. Hindi dapat gawing batayan ang kutob lamang upang mang-abala ng mga inosenteng mamamayan. Ang pagpapatupad ng batas ay dapat nakabatay sa aktuwal na paglabag, hindi sa haka-haka.

Payo ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, magdala ng identification cards ang mga pasahero upang makatulong na mapatunayan ang kanilang ugnayan sa isa’t isa. Mainam ding may authorization letter mula sa rehistradong may-ari na nagsasaad na ipinahiram lamang ang sasakyan at walang siningil na renta. Dalhin din ang OR/CR at iba pang dokumentong makatutulong na patunayang pribadong biyahe lamang ito.

Makabubuti ring sa iisang meeting place sumakay ang magkakasamang pasahero upang maiwasan ang maling hinalang namamasada ang sasakyan. Kung masisita, makipag-usap nang maayos sa enforcer at ipakita ang mga kaukulang dokumento.

Suportado ng LCSP ang anti-colorum campaign. Ngunit dapat tutukan ang mga COLORUM SYNDICATES na ginagawang hanapbuhay ang iligal na pamamasada, hindi ang mga pamilyang gumagamit lamang ng hiniram na sasakyan.

Kung may mga colorum na lantaran pa ring namamasada, dapat imbestigahan kung bakit nakapagtatagal ang kanilang operasyon at kung may nagaganap na katiwalian.

HINDI DAPAT ANG INOSENTENG MAMAMAYAN ANG NAGDURUSA HABANG ANG TUNAY NA LUMALABAG AY PATULOY NA NAGPAPASASA,

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here