Home METRO 2 dayuhan timbog sa love scam, 3 Pinay nasagip sa Maynila

2 dayuhan timbog sa love scam, 3 Pinay nasagip sa Maynila

4
0

MANILA, Philippines – Dalawang dayuhan ang inaresto sa Malate, Manila matapos umanong irekrut ang tatlong Pilipina bilang virtual assistants ngunit sapilitang pinagtatrabaho sa love scam operations.

Ayon sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), isang Taiwanese at isang Malaysian ang naaresto sa isang condominium sa Malate.

Nasagip naman ng mga awtoridad ang tatlong babaeng umano’y ilegal na ikinulong sa loob ng unit.

Nagsimula ang operasyon matapos humingi ng tulong ang asawa ng isa sa mga biktima dahil hindi na nito makontak ang kanyang misis.

Ayon kay CIDG-NCR Regional Chief Police Colonel John Guiagui, nakapagpadala ng mensahe ang isa sa mga biktima sa kanyang asawa at naibigay ang lokasyon at sitwasyon nila.

Lumabas sa imbestigasyon na inaakit umano ang mga biktima sa pamamagitan ng alok na trabaho bilang virtual assistant na may sahod na US$400 hanggang US$500 at karagdagang US$100 incentive para sa perfect attendance.

Ngunit pagdating umano sa condominium, pinapamemorya sa kanila ang mga script na kalauna’y napag-alamang ginagamit sa love scam.

Sinabi rin ng mga biktima na matapos ang training, balak umano silang ipadala sa mga tinatawag na staff hub sa Visayas.

Patuloy na nangangalap ng impormasyon ang CIDG upang matukoy ang mga nasabing lugar at posibleng masagip pa ang iba pang biktima.

Nahaharap ang dalawang suspek sa mga kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act, serious illegal detention at grave coercion.

Nasa kustodiya na sila ng Manila Police District habang hinihingan pa ng pahayag hinggil sa mga paratang laban sa kanila. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here