MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 13-anyos na batang lalaki matapos siyang mabangga ng utility vehicle na minamaneho umano ng isa ring menor de edad sa Maribojoc, Bohol.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Maribojoc Municipal Police Station, isang 14-anyos na lalaki ang nagmamaneho ng Kia Bongo III nang mangyari ang aksidente sa Barangay Aliguay noong Oktubre 31.
Mula umano sa Antequera ang sasakyan at patungo sa Tagbilaran City nang makatulog umano sa manibela ang menor de edad na driver.
Dahil dito, nawalan umano ito ng kontrol sa sasakyan, napunta sa kabilang lane at lumampas sa kalsada bago nabangga ang 13-anyos na naglalakad sa sidewalk.
Bumangga rin ang sasakyan sa isang konkretong bakod at dalawang nakaparadang motorsiklo.
Agad na isinugod ang biktima sa Maribojoc Community Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival.
Dinala naman sa kustodiya ng pulisya ang 14-anyos at kalaunan ay isinailalim sa pangangasiwa ng Women and Children Protection Desk habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente. Mary Anne Sapico