Home METRO Kilalang personalidad, 5 iba pa kakasuhan sa pagpatay sa working student sa...

Kilalang personalidad, 5 iba pa kakasuhan sa pagpatay sa working student sa Batangas

1
0

MANILA, Philippines – Isang kilalang personalidad at lima pang indibidwal ang nakatakdang sampahan ng kasong murder kaugnay ng pagkamatay ng 22-anyos na working student sa San Jose, Batangas.

Kinumpirma ni Philippine National Police spokesperson Police Colonel Allen Rae Co na anim na katao ang haharap sa reklamo kaugnay ng pamamaril sa biktima noong Oktubre 25.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng love triangle bilang motibo sa krimen.

Sakay ng motorsiklo ang biktima at bumibiyahe sa national highway sa Barangay Banay-banay II bandang alas-9 ng gabi nang lapitan umano ng mga suspek na sakay din ng motorsiklo at pagbabarilin.

Una umanong inakala ng mga rumespondeng pulis na naaksidente lamang ang biktima, ngunit kalaunan ay natuklasang nagtamo ito ng mga tama ng bala sa likod na tumagos sa dibdib.

Isinugod siya sa ospital ngunit idineklarang patay.

Narekober sa crime scene ang dalawang basyo ng bala mula sa .45-caliber firearm.

Ayon sa pulisya, pauwi na sana ang biktima mula sa restaurant kung saan siya nagtatrabaho bilang musikero nang mangyari ang pamamaril.

Hindi pa isinasapubliko ng PNP ang pagkakakilanlan ng tinukoy nitong kilalang personalidad at ng lima pang respondent. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here