MANILA, Philippines – Inatasan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang dibisyon nito na imbestigahan ang pagkakatapon ng mga labi ng mahigit 26 aso at tatlong pusa sa gilid ng kalsada sa San Jose del Monte, Bulacan.
Natagpuan ang mga nabubulok na labi na nakasilid sa mga plastic bag sa Barangay Minuyan Proper noong Sabado.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, pangungunahan ng Environmental Crimes Division ang imbestigasyon katuwang ang mga regional office ng ahensya sa CALABARZON at Central Luzon.
Isasailalim umano sa forensic examination ang mga labi kung kinakailangan upang matukoy kung kabilang ang mga ito sa mga alagang hayop na ipinagkatiwala para sa cremation at kung tunay ang mga abo na ibinalik sa kanilang mga may-ari.
Sinabi rin ng NBI na sinusuri nito ang mga ulat na nag-uugnay sa Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium sa insidente.
Hinimok ni Matibag ang mga apektadong pet owner na magsumite ng cremation receipts, certificates at iba pang dokumento sa NBI upang makatulong sa imbestigasyon.
Titingnan din ng ahensya ang posibilidad ng kasong estafa kung mapatutunayang may binayarang serbisyo na hindi naman naisagawa.
Kabilang din sa sisiyasatin ang business permits, kagamitan, CCTV footage at chain of custody ng mga labi.
Makikipag-ugnayan din ang NBI sa Department of the Interior and Local Government, Department of Environment and Natural Resources, Philippine National Police at mga lokal na pamahalaan para sa posibleng inspeksyon sa iba pang kahalintulad na pasilidad. Dave Medina