MANILA, Philippines – Napatay ang isang 60-anyos na lalaking tinukoy ng militar bilang umano’y lider ng New People’s Army (NPA) sa operasyon ng mga sundalo at pulis sa Polomolok, South Cotabato.
Kinilala ang nasawi na si Noel Pamaong, alyas “Lauro” o “Santi,” na ayon sa 6th Infantry Division (6ID) ay pinuno umano ng Regional Instructors Bureau ng NPA.
Sinabi ng militar na magsisilbi sana ang mga awtoridad ng warrant of arrest laban kay Pamaong kaugnay ng kasong multiple attempted homicide nang mangyari ang insidente sa Barangay Silway 8 noong gabi ng Oktubre 30.
Ayon sa 6ID, isang .45-caliber pistol at hand grenade ang narekober sa lugar.
Kinontra naman ng National Democratic Front-Far South Mindanao Region (NDF-FSMR) ang bersyon ng militar.
Iginiit nitong matagal nang hindi aktibong combatant si Pamaong at may iniindang mga karamdaman. Inakusahan din nito ang mga awtoridad na itinanim umano ang mga armas na sinasabing narekober sa lugar.
Nasugatan din sa insidente ang kasama at driver ni Pamaong na si Laurence Porras, na ayon sa NDF-FSMR ay nasa kritikal na kondisyon.
Itinanggi rin ng grupo na nagkaroon ng engkuwentro at nanawagan ng independent investigation sa pagkamatay ni Pamaong.
Samantala, sinabi ni 6ID at Joint Task Force Central commander Brig. Gen. Edgar Catu na resulta ng koordinasyon ng militar at pulisya ang operasyon.
Patuloy na magkasalungat ang bersyon ng militar at NDF-FSMR hinggil sa mga pangyayari sa operasyon. Mary Anne Sapico