Home NATIONWIDE Plantilla position sa SPED teacher, pinadadagagan ng EDCOM 2 sa DepEd

Plantilla position sa SPED teacher, pinadadagagan ng EDCOM 2 sa DepEd

3
0

MANILA, Philippines – Ibinunyag ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ang malaking agwat sa bilang ng mga guro sa Special Needs Education (SNED) sa iba’t ibang school divisions, kung saan may mga lugar na isang guro lamang ang nakaupo para sa libo-libong mag-aaral na may kapansanan.

Binibigyang-diin ng mga natuklasan ang pangangailangang palakasin ang pagpaplano, alokasyon, pag-hire at deployment ng mga espesyalisadong guro upang matiyak na may sapat na suporta ang mga mag-aaral sa paaralan.

Sa pagsusuri ng Education Center for AI Research (ECAIR) at ng EDCOM, lumitaw ang malawak na disparidad sa distribusyon ng mga filled SNED teaching positions kumpara sa mga mag-aaral na may pormal na diagnosis sa bawat dibisyon.

Pinakamalala ito sa junior high school (JHS), kung saan sa Iloilo ay isang guro lamang ng SNED para sa bawat 902 na mag-aaral na may pormal na diagnosis, sinundan ng Camarines Sur na may 1:453 at Pangasinan I na may 1:355. Lumampas din sa 1:200 ang ratio sa Zamboanga del Sur, Biñan City, at Davao de Oro.

717 na plantilla positions ng SNED, bakante pa

Ipinakita rin ng staffing data ng DepEd na malaking bilang pa rin ng awtorisadong SNED teaching positions ang hindi pa napupunan.

Batay sa Government Manpower Information System (GMIS) ng Kagawaran na isinumite sa EDCOM 2, 717 sa 6,613 na awtorisadong SNED teaching positions ang bakante pa rin hanggang Pebrero 11, 2026.

Sa Senate budget hearing para sa DepEd, inamin ng departamento ang hamon sa pagtugon sa pangangailangan para sa mga espesyalisadong guro.

Sinabi ni Assistant Secretary Jerome Buenviaje na sinasanay ng departamento ang mga general education teacher upang magsilbing “receiving teachers,” na maaaring sumuporta sa mga mag-aaral na may kapansanan sa inclusive classroom setting.

Hiniling din ni EDCOM 2 Co-Chairperson Sen. Bam Aquino sa DepEd na linawin kung ilan ang mga mag-aaral na nangangailangan ng suporta, kabilang ang mga hindi pa na-diagnose, at magtakda ng mas malinaw na basehan sa pagtukoy ng kinakailangang bilang ng guro.

Binigyang-diin naman ni DepEd Secretary Angara ang kahalagahan ng access sa mga developmental pediatrician upang matukoy ang pangangailangan ng mga mag-aaral at ang angkop na educational setting para sa kanila.

“We need to better understand our numbers: how many learners require support, including those who remain undiagnosed, and determine the teacher capacity needed to serve them. We need to train more teachers to support special needs learners,” pahayag ni Sen. Bam Aquino.

Patuloy na isinusulong ng EDCOM 2 ang mas mabilis na pag-hire ng mga espesyalisadong SNED teachers, na binibigyang-diin na ang inclusive education ay dapat suportado ng mga kwalipikadong tauhan na may kakayahang magbigay ng angkop na suporta sa mga mag-aaral na may kapansanan.

Bagama’t makatutulong ang pagsasanay sa mga general education teacher bilang “receiving teachers” upang palakasin ang inklusyon sa mainstream classrooms, hindi nito mapapalitan ang pangangailangan para sa mga espesyalisadong guro na may malalim na pag-unawa sa iba’t ibang kapansanan at makagagabay sa indibidwal na pangangailangan ng mga mag-aaral.

Sa mga konsultasyon nito, binigyang-diin ng EDCOM 2 ang mga hamong kinahaharap ng mga guro sa mismong paaralan na inaasahang tumanggap ng mga mag-aaral na may iba’t ibang kapansanan, kadalasan nang walang sapat na pagsasanay, espesyalisadong suporta, o kagamitan upang matugunan ang kanilang pangangailangan.

Nanawagan ang Komisyon na punan ang mga bakanteng posisyon sa SNED at palakasin ang teacher preparation upang matiyak na ang inklusyon ay magiging makabuluhang suporta para sa mga mag-aaral.

“To fulfill the intentions of the Inclusive Education Law, is it imperative that DepEd, CHED and TEC work together to encourage and support an adequate number of students to pursue SNED in teacher education. This must be paralleled by targeted scholarships, as well as reforms in hiring processes to ensure that they are hired on time, and assigned to the right schools,” pahayag ni EDCOM Executive Director Karol Mark Yee. “It also requires working with the BARMM to help build a SNED program in the Bangsamoro.”

Naantala rin ang pagpapatupad ng Expanded Career Progression (ECP) System para sa Special Needs Education Teachers (SNETs) dahil sa nakabinbing qualification standards. Sa ilalim ng ECP System na nagkabisa noong 2025, ang dating posisyon na SPED Teacher I–V ay naging Teacher IV–VII (SNET I–IV) at Master Teacher I (SNET V), na nagbibigay ng mas malinaw na istruktura para sa career progression.

Gayunman, nananatiling nakabinbin sa Civil Service Commission (CSC) simula Abril 2026 ang pag-apruba sa revised qualification standards para sa mga bagong posisyong ito. Hanggang Agosto 2026, hindi pa rin ito naaaprubahan ng CSC.

Samantala, naglabas na ang DepEd ng interim guidance na nagpapahintulot sa reclassification ng mga kasalukuyang guro batay sa umiiral na pamantayan.

Hanggang Agosto 3, nasa 500 sa humigit-kumulang 600 bagong SNED positions para sa 2026 ang na-deploy na, bagama’t nakabinbin pa rin ang kanilang publication at appointment habang hinihintay ang pagsang-ayon ng CSC.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here