BULACAN, Philippines – Arestado ang isang lalaki matapos pagbabarilin ang bahay ng kanyang kapitbahay sa bayan ng Plaridel nitong gabi ng Nobyembre 2.
Sa ulat ni PLTCOL Restituto Granil, hepe ng Plaridel police station, kinilala ang naaresto na isang 53-anyos, residente ng Brgy. Parulan.
Ayon sa ulat ng istasyon, naganap ang insidente bandang 8:00 ng gabi sa Lipana St. sa nasabing barangay.
Nabatid na inireport ng mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team ang insidente sa istasyon kaya agad rumesponde ang mga tauhan nito sa lugar.
Nang makarating sa lugar ang mga pulis ay namataan ang suspek na nagpapaputok ng baril patungo sa bahay ng kanyang kapitbahay.
Dahil dito, agad naman sumuko ang suspek na nasamsaman ng Taurus caliber .45 pistol at isang magazine na may tatlong bala.
Sinasabing nasa 13 basyo ng bala at isang dud bullet (hindi pumutok) ng caliber .45 ang nakuha ng mga awtoridad sa lugar.
Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Bulacan Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri at disposisyon.
Nahaharap ang suspek sa kasong Attempted Homicide at paglabag sa Article 254 ng Revised Penal Code, as amended by RA No. 11926 at RA No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Act. (Dick Mirasol III)