Home METRO ‘Parcel scam’ ibinabala ng PNP; Chinese, 2 Malaysian itinurong ‘mastermind’

‘Parcel scam’ ibinabala ng PNP; Chinese, 2 Malaysian itinurong ‘mastermind’

4
0

MANILA, Philippines – Isang Chinese national at dalawang Malaysian ang itinurong umano’y mastermind ng “parcel scam hub” na tatlong buwang nag-operate sa Pasay City, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na tatlo sa mga personalidad na tinututukan ng imbestigasyon ang sinasabing nasa likod ng operasyon.

Umabot naman sa 159 indibidwal ang na-round up ng mga awtoridad sa naturang scam hub, ayon kay Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) chief Police Col. John Guiagui.

Kabilang umano sa mga ito ang mga Indonesian, Malaysian at Vietnamese nationals.

Ayon sa CIDG, ginagamit ng grupo ang tinatawag na “parcel scam” kung saan tinatawagan ang kanilang mga target gamit ang database na naglalaman umano ng pangalan, address at contact number ng mga posibleng biktima.

May nakahanda rin umanong script na sinusunod ng mga scammer sa pakikipag-usap sa kanilang target.

Sasabihin umano sa biktima na may parcel na nakapangalan sa kaniya kahit wala naman siyang inorder o hinihintay na package.

Kalaunan, sasabihin umano ng scammer na may ilegal na droga ang naturang parcel.

May isa naman umanong magpapanggap na pulis at tatakutin ang biktima na maaari siyang maimbestigahan habang posibleng ma-freeze o makumpiska ng gobyerno ang kaniyang mga ari-arian at bank account.

Susundan ito ng isa pang scammer na gaganap bilang “good cop” at mag-aalok umano ng tulong upang maiwasan ng biktima ang pagsasampa ng kaso o pag-freeze ng kaniyang assets.

Dahil sa takot, nahihikayat umano ang ilang biktima na maglipat ng pera sa mga account na ibinibigay ng grupo.

Ayon pa sa CIDG, pumasok sa bansa bilang mga turista ang ilang dayuhang sangkot at wala umano silang kaukulang working visa.

Gumagamit din umano ang grupo ng Telegram at Instagram upang mag-recruit ng mga manggagawa.

Inaalok umano ang mga aplikante ng trabaho bilang virtual assistants bago sila mapasama sa operasyon.

Patuloy ang imbestigasyon ng PNP upang matukoy ang iba pang sangkot at lawak ng operasyon ng grupo. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here