MANILA, Philippines – Aabot sa P501 kada araw ang minimum wage ng mga manggagawa sa non-agriculture, retail at service sectors sa Soccsksargen pagsapit ng Enero 1, 2027 matapos aprubahan ang P41 wage increase sa rehiyon.
Sa ilalim ng Wage Order No. XII (SOCCSKSARGEN)-26, ipatutupad sa dalawang tranche ang dagdag-sahod.
Simula Nobyembre 19, madaragdagan ng P16 ang kasalukuyang minimum wage.
Dahil dito, tataas mula P460 patungong P476 kada araw ang minimum wage ng mga manggagawa sa non-agriculture, retail at service sectors.
Para naman sa agricultural workers, tataas mula P443 patungong P459 kada araw ang kanilang minimum wage.
Sa Enero 1, 2027, ipatutupad ang natitirang P25 increase.
Sa full implementation, magiging P501 kada araw ang minimum wage sa non-agriculture, retail at service sectors habang P484 naman para sa agricultural workers.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), tinatayang 86,815 minimum wage earners sa rehiyon ang direktang makikinabang sa wage adjustment.
Tataas din ng P450 ang buwanang minimum wage ng mga kasambahay, mula P6,000 patungong P6,450.
Saklaw ng wage order ang General Santos, Koronadal, Kidapawan at Tacurong, gayundin ang mga lalawigan ng South Cotabato, Sarangani, Sultan Kudarat at North Cotabato, maliban sa mga barangay na bahagi na ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, isinasaalang-alang sa pagtatakda ng bagong minimum wage ang pangangailangan ng mga manggagawa gayundin ang kakayahan ng mga negosyo, partikular ang micro, small and medium enterprises, na magpatuloy ng operasyon.
Nagsagawa rin ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board-XII ng mga konsultasyon sa mga manggagawa, employer at iba pang stakeholders bago itinakda ang bagong rates.
Hinimok ng DOLE ang mga employer na sumunod sa bagong wage order at pinaalalahanan ang mga manggagawa hinggil sa kanilang mga karapatan sa ilalim ng umiiral na labor laws. RNT