MANILA, Philippines — Naghain ng criminal at administrative complaints sa Office of the Ombudsman si Marinduque Gov. Melecio “Mel” Go laban sa dating vice governor at walong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan kaugnay ng kontrobersyal na ₱1.5-bilyong legal fee arrangement sa isang private law firm.
Kasama ni Go sa paghahain ng reklamo si Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) President Arsenio “Boy” Evangelista. Kabilang sa mga respondent si dating Vice Gov. Adeline M. Angeles at mga personalidad na iniuugnay sa Salazar Enrile Defensor & De Mata Law Offices o SEDALAW.
Sentro ng reklamo ang 25% contingency fee sa ilalim ng legal services agreement ng provincial government at SEDALAW kaugnay ng US$100-million settlement sa Barrick Mining Corp. Ang naturang fee ay maaaring umabot sa humigit-kumulang US$25 milyon o nasa ₱1.5 bilyon.
Ayon sa complaint, nais ipasuri ng mga complainant ang proseso ng pagkuha sa serbisyo ng law firm, ang contingency fee arrangement, at ang mga dokumentong may kaugnayan sa procurement at pag-apruba nito.
Kabilang sa mga hinihiling nilang imbestigahan ang posibleng paglabag sa Sections 3(e) at 3(g) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, gayundin ang mga alegasyon ng usurpation of official functions at falsification of public documents.
Ang mga ito ay mga alegasyon pa lamang na nakapaloob sa reklamong inihain sa Ombudsman at wala pang finding na nagpapatunay ng administrative o criminal liability ng mga respondent.
Kinuwestiyon din ni Go ang epekto ng isang writ of garnishment na may kaugnayan sa legal fee sa settlement proceeds na nais ng kanyang administrasyon na maprotektahan para sa environmental rehabilitation at kapakanan ng mga taga-Marinduque. Samantala, nakaakyat na rin sa Supreme Court ang usapin tungkol sa legalidad ng nasabing contingency fee at Writ of Garnishment.
Ayon kay Go, layunin ng kanilang hakbang na mapangalagaan ang settlement proceeds at matiyak na ang pondong nakalaan kaugnay ng Marcopper mining disaster ay mapakinabangan ng lalawigan at ng mga komunidad na apektado nito. (Santi Celario)