MANILA, Philippines — Lalong bumilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa matapos sumirit sa 7.8% ang inflation rate nitong Oktubre 2026, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Mas mataas ito sa 7.2% inflation noong Setyembre at malayo sa 1.7% na naitala noong Oktubre 2025.
Dahil dito, umabot na sa 5.6% ang average inflation mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon.
Ayon sa PSA, pangunahing nagtulak sa mas mabilis na inflation ang transport sector, kung saan lumobo sa 20.1% ang annual increase sa presyo mula 14.6% noong Setyembre.
Bumilis din sa 9.3% mula 8.4% ang inflation sa housing, water, electricity, gas at iba pang fuels.
Sa kabuuang 7.8% inflation, pinakamalaking kontribusyon ang food and non-alcoholic beverages na may 30.2% share, kasunod ang housing, water, electricity, gas and other fuels na 24.8%, at transport na 23.5%.
Bahagya namang bumagal ang food inflation sa 6.4% mula 6.8% noong Setyembre.
Gayunman, lalo pang bumilis ang pagtaas ng presyo ng bigas sa 20.7% mula 20.3%, habang umakyat sa 19.3% mula 17.3% ang inflation sa mais.
Bumilis din ang inflation sa prutas at nuts sa 10.8% mula 8.7%.
Umakyat din sa 5.4% ang core inflation—na hindi kabilang ang piling pagkain at energy items—mula 4.8% noong Setyembre.
Mas mataas ang inflation sa mga lugar sa labas ng Metro Manila, na umabot sa 8.2%, kumpara sa 5.9% sa National Capital Region.
Sa mga rehiyon sa labas ng NCR, pinakamataas ang inflation sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa 9.9%, habang pinakamababa naman sa MIMAROPA sa 6.7%.
Mas mabigat naman ang epekto ng pagtaas ng presyo sa mga pamilyang kabilang sa bottom 30% income households.
Ayon sa hiwalay na datos ng PSA, umakyat sa 9.5% ang kanilang inflation nitong Oktubre mula 9% noong Setyembre.
Umabot naman sa 9.4% ang food inflation para sa sektor na ito, habang nanatiling mataas sa 23.6% ang inflation sa bigas.
Samantala, itinaas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng 50 basis points ang target reverse repurchase rate sa 5.50% bilang bahagi ng paghihigpit sa monetary policy upang mapigil ang pagkalat ng inflationary pressures at mapanatiling kontrolado ang inflation expectations.
Ang 7.8% inflation noong Oktubre ay pasok sa naunang 7.1% hanggang 8.1% forecast range ng BSP. Dave Baluyot