MANILA, Philippines – Nilinaw ng Office of the Vice President (OVP) na hindi government website ang scheduling platform na iniuugnay sa umano’y data leak at wala rin umano itong confidential o classified government information.
Sa advisory nitong Huwebes, Nobyembre 5, sinabi ng OVP na hindi dapat awtomatikong ituring na breach o compromise ng government information ang anumang alegasyon ng data leak na may kinalaman sa naturang platform.
“Therefore, any alleged data leak involving the platform should not be automatically construed as a breach nor compromise of any government information,” ayon sa OVP.
Inilabas ang paglilinaw kasunod ng mga ulat tungkol sa umano’y data leak sa scheduling platform.
Kinuwestiyon din ng OVP ang timing at mga pangyayari sa likod ng alegasyon.
Ayon sa tanggapan, may pangamba itong maaaring bahagi umano ng mas malawak na politically motivated effort ang isyu upang siraan si Vice President Sara Duterte at ang OVP.
“The timing and circumstances surrounding the allegations raise concerns that this issue may be part of a broader politically motivated effort to discredit the Vice President and the Office,” pahayag nito.
Gayunman, alegasyon ng OVP ang naturang political motive at walang inilatag sa pahayag na independiyenteng ebidensyang nagpapatunay dito.
Nanawagan din ang tanggapan laban sa sensationalizing ng mga hindi pa beripikadong claim at paggamit sa isyu upang isulong ang political narratives nang walang sapat na ebidensya.
“The public deserves facts, not speculation,” ayon sa OVP.
Hinimok din nito ang media at iba pang concerned parties na tiyaking beripikado muna ang impormasyon bago gumawa ng konklusyon hinggil sa umano’y data leak.
Binigyang-diin ng OVP na layunin ng advisory na linawin ang katangian ng scheduling platform at ihiwalay ang alegasyon ng data leak sa anumang posibleng compromise ng government information. RNT