Home NATIONWIDE Robredo: Walang puwang ‘unauthorized’ budget insertions sa Naga City

Robredo: Walang puwang ‘unauthorized’ budget insertions sa Naga City

3
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Naga City Mayor Leni Robredo na walang puwang sa kanilang lungsod ang unauthorized budget insertions dahil mismong mga kinatawan ng iba’t ibang sektor ang kasama sa pagbabantay sa proseso ng pagbuo ng badyet.

Sa panayam sa media matapos ang ceremonial turnover ng Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program (DRRAP) funds sa Malacañang, ipinaliwanag ni Robredo na hinati nila sa walong clusters ang budget preparation process ng Naga City.

Kabilang dito ang governance, infrastructure, health, education, arts at culture.

“From day one of the budget process, gumawa kami ng eight clusters. Iba-iba, merong governance, merong infra, merong health, education, arts, and culture,” ani Robredo.

Ayon sa alkalde, isang department head ng city hall ang namumuno sa bawat cluster habang isang kinatawan naman ng kaukulang sektor ang nagsisilbing co-chair.

Dahil dito, sinabi ni Robredo na mahirap makalusot ang mga proyektong hindi dumaan sa tamang proseso.

“Hindi mangyayari sa amin ‘yung mga singit, hindi sa amin mangyayari ‘yung insertions gaya nung nangyari sa House of Representatives. Hindi kayang maging ghost dahil tao mismo ‘yung nagbabantay,” ani Robredo.

Pahayag ito ni Robredo kaugnay ng kanyang paglalarawan sa budget process ng Naga City. Ang kanyang pagtukoy sa umano’y insertions sa Kamara ay bahagi ng kanyang pahayag.

Nakatanggap ang Naga City ng ₱20 milyon mula sa DRRAP.

Samantala, sinuportahan din ni Robredo ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang kinikilingang political affiliation sa pamamahagi ng naturang pondo.

“Nakikita natin na from different political parties naman ‘yung nandun, different political affiliations,” aniya.

Sa kanyang talumpati, nagbabala naman si Marcos sa mga lokal na opisyal laban sa katiwalian sa paggamit ng DRRAP funds.

“Pera po ito ng taong bayan at para ito sa mga kababayan nating nasalanta. Hindi ito pondo para pagkakitaan at hindi rin ito pondo para [sa] sinumang gustong magpayaman sa gitna ng ating mga nararamdaman na trahedya,” ani Marcos.

Binigyang-diin din ng Pangulo na hindi dapat magkaroon ng ghost projects, komisyon at substandard rehabilitation projects sa ilalim ng programa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here