Home METRO 2 sangkot sa mga tinapong patay na hayop, sumuko sa NBI

2 sangkot sa mga tinapong patay na hayop, sumuko sa NBI

4
0

MANILA, Philippines – Kusang sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mag-asawang iniuugnay sa paglilibing ng mga labi ng alagang aso at pusa na dapat sana’y na-cremate, ayon kay NBI Director Melvin Matibag.

Sinabi ni Matibag na nasa kustodiya na ng NBI ang dalawang indibidwal at nakakuha na rin ang mga imbestigador ng kanilang salaysay hinggil sa insidente.

“Nakuha kaagad natin ‘yung person responsible dun sa pagbabaon nung mga pets na supposed to be na-cremate,” ani Matibag sa press conference.

Ayon sa NBI, nakatakda silang magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot.

Batay sa paunang findings ng ahensya, ipinapadala umano ng Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium sa Bacoor, Cavite ang mga labi ng alagang hayop sa isa pang pet crematorium sa San Jose del Monte, Bulacan.

Sinabi ni Matibag na lumitaw sa imbestigasyon na walang sariling cremation facility at equipment ang establisimyento sa Bacoor.

Dahil umano sa malaking volume ng mga labi ng hayop na ipinapadala sa Bulacan, sinabi ng NBI na ang ilan sa mga ito ay inilibing sa halip na i-cremate, batay sa salaysay ng mag-asawa.

Tatlong dumping sites na rin umano ang natukoy ng NBI kaugnay ng kaso.

Ayon pa kay Matibag, nang tumigil ang pagbabalik ng mga abo mula sa Bulacan patungo sa Bacoor crematorium, umano’y gumawa na lamang ng abo ang establisimyento sa Bacoor kahit walang aktuwal na cremation na naganap.

Tinitingnan ngayon ng NBI ang posibleng kasong estafa at paglabag sa Consumer Act, gayundin ang posibleng paglabag sa health at sanitation regulations kaugnay ng pagbiyahe at pagtatapon ng mga labi ng hayop.

Anim na kaso muna ang inihahandang isampa ng NBI batay sa anim na complainants na lumapit sa ahensya.

Gayunman, sinabi ni Matibag na mayroon na umanong sapat na ebidensya upang makapaghain ng kaso sa prosecutor’s office.

Hinimok din ng NBI ang iba pang posibleng biktima na lumapit at magsampa ng reklamo.

Patuloy namang iniimbestigahan ng ahensya ang posibleng pananagutan ng iba pang indibidwal o opisyal, kabilang ang usapin kung paano nakapag-operate nang matagal ang crematorium sa Bacoor kahit umano’y wala itong kinakailangang pasilidad.

Humihiling din ang NBI ng Immigration Lookout Bulletin Order laban sa iba pang posibleng sangkot upang mapigilan silang makalabas ng bansa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here