MANILA, Philippines – Nanawagan si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa mga mananampalataya na mag-alay ng panalangin sa gitna ng inaasahang matinding init na dulot ng El Niño.
Sa circular letter na inilabas nitong Huwebes, inatasan ni Advincula ang lahat ng parokya at komunidad sa ilalim ng Archdiocese of Manila na dasalin ang Oratio Imperata ad Petendam Pluviam o panalangin para sa ulan tuwing Eucharistic celebration.
Sisimulan itong dasalin matapos ang Post-Communion Prayer sa Linggo, Nobyembre 8, at magpapatuloy hanggang sa susunod na abiso.
“As we implore the Lord to grant us the gift of rain, let us be reminded of the power of united prayer,” ani Advincula.
Ayon sa Cardinal, mahalagang magkaisa ang mga mananampalataya sa pagdarasal at ipagkatiwala sa Diyos ang kanilang mga pangangailangan at alalahanin.
Hinimok din niya ang mga pari, catechists, religious educators at iba pang sangkot sa Christian formation na gamitin ang pagkakataon upang palalimin ang kamalayan ng mga mananampalataya hinggil sa responsibilidad na pangalagaan ang kalikasan.
“Let us help our communities recognize that the natural world is not merely a resource to be consumed, but a precious gift entrusted by the Creator to our care and stewardship,” ani Advincula.
Nauna nang sinabi ng PAGASA na posibleng maging record-breaking sa tindi ng init ang El Niño mula sa huling bahagi ng 2026 hanggang unang kalahati ng 2027.
Ayon kay PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section chief Ana Liza Solis, posibleng tumaas nang hanggang 2°C ang temperatura sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Inaasahan ding magpapatuloy ang El Niño hanggang unang quarter ng 2027 at posibleng umabot sa peak bago matapos ang 2026, habang maaari pang maramdaman ang mga epekto nito hanggang unang kalahati ng susunod na taon. RNT