MANILA, Philippines – Naglunsad ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng bagong programa para tulungan ang mga negosyong nahihirapang tustusan ang pasahod sa kanilang mga manggagawa kasunod ng wage increases.
Inilunsad nitong Huwebes sa Valenzuela City ang TUPAD Flagship Innovations-Sagip Trabaho Program, na layong suportahan ang mga kumpanyang maituturing na “distressed.”
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, sa ilalim ng programa ay sasagutin ng DOLE sa loob ng tatlong buwan ang halaga ng wage increase para sa mga kwalipikadong manggagawa.
Kapalit nito, kailangang tiyakin ng kumpanya na magpapatuloy ang operasyon nito at mananatiling empleyado ang mga manggagawang sakop ng programa nang hindi bababa sa susunod na anim na buwan.
“Papatunayan nila na sila ay distressed. Papatunayan nila na ‘yung kanilang financial capacity ay hindi kakayanin,” ani Tolentino.
Maaaring mag-apply ang mga business owner sa pamamagitan ng pagsusumite ng kinakailangang dokumento sa DOLE regional o field office, kung saan dadaan ang aplikasyon sa evaluation.
Unang ipatutupad ang programa sa Metro Manila at Central Visayas, na kabilang sa mga lugar na kamakailan ay nagpatupad ng wage increase.
Isa sa mga unang nakinabang sa programa ang Mega-Jesta Prints sa Valenzuela City.
Ayon sa may-ari nitong si Ma. Teresita Ortico, makatutulong ang programa sa pagbabayad ng sahod ng humigit-kumulang 30 manggagawa ng kumpanya.
Sinabi rin niyang wala pang isang buwan ang itinagal ng kanilang application process.
“Sa dami ng employees, hindi naman namin kayang ibigay lahat ng wage increase,” ani Ortico.
Dagdag niya, nakatulong ang programa upang maipagpatuloy nila ang operasyon ng kanilang printing business.
Samantala, sinabi ni Valenzuela Mayor Wes Gatchalian na makatutulong ang programa sa pagbabalanse ng pangangailangan ng mga employer at empleyado.
Ayon kay Gatchalian, may humigit-kumulang 15,000 factories at business establishments sa Valenzuela, at nasa 90 porsiyento sa mga ito ay micro, small and medium enterprises.
Aniya, nakararanas din ang mga negosyo ng epekto ng pagtaas ng presyo ng krudo at paghina ng export sector. RNT