MANILA, Philippines – Limang katao ang nasawi matapos ang malakas na pagsabog sa hinihinalang pagawaan ng paputok sa boundary ng Barangays Tabo-Sili at Calbueg sa Mangaldan, Pangasinan noong Miyerkules ng gabi, Nobyembre 4.
Isa sa mga bangkay ng mga nasawi ang natagpuan lamang nitong Huwebes ng umaga, Nobyembre 5, habang nagsasagawa ng mopping-up operations ang mga awtoridad.
Ayon sa mga ulat, tumilapon umano ang biktima dahil sa lakas ng pagsabog at natagpuan sa isang punong malunggay.
Sinabi ni Vice Mayor Daria Mamaril na inuupahan umano ng pamilya ng mga biktima ang lugar at hinihinalang ginagamit ito sa paggawa ng paputok.
Ayon pa sa opisyal, hindi umano batid ng mga barangay official na may ganitong operasyon sa lugar dahil umuupa lamang ang pamilya sa naturang property.
Isang babae na sinasabing kamag-anak ng mga biktima ang nasa kustodiya ng mga awtoridad habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at posibleng pananagutan kaugnay ng insidente.
Inatasan din ni Mamaril ang pangulo ng Association of Barangay Captains na magsagawa ng inspeksyon sa mga barangay upang matukoy kung may iba pang property na posibleng ginagamit sa paggawa ng paputok nang walang kaalaman ng lokal na pamahalaan.
Patuloy ang follow-up investigation ng mga awtoridad. RNT