Home METRO OMMC ER nasa 171% capacity; publiko pinayuhang magtungo sa ibang ospital

OMMC ER nasa 171% capacity; publiko pinayuhang magtungo sa ibang ospital

6
0

MANILA, Philippines – Umabot na sa 171 porsiyento ng kapasidad ang Emergency Room (ER) ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) dahil sa dagsa ng mga pasyenteng nangangailangan ng agarang lunas nitong Huwebes ng gabi, Nobyembre 5.

Sa inilabas na public advisory, humingi ng pang-unawa ang OMMC sa mga pasyenteng naghihintay ng serbisyo dahil sa mataas na bilang ng kasalukuyang inaasikaso sa emergency room.

Pinayuhan din ng ospital ang mga nangangailangan ng emergency medical care na isaalang-alang ang pagpunta sa iba pang kalapit na pagamutan na may kakayahang tumanggap ng karagdagang pasyente upang mas mabilis silang mabigyan ng atensyong medikal.

Ayon sa OMMC, kabilang sa mga kasong dinadala sa ER ang respiratory illnesses at gastroenteritis, habang dengue naman ang ilan sa mga kasong hinahawakan sa pediatric section.

Sa Internal Medicine, kabilang sa mga pasyente ang may hypertension, stroke, heart failure at community-acquired pneumonia.

Karamihan naman sa mga kasong hinahawakan ng General Surgery ay trauma bunsod ng road accidents at biliary colic o pananakit na may kaugnayan sa problema sa apdo.

Tiniyak naman ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department na nakahanda ang kanilang mga ambulansya upang tumulong sa paglilipat ng mga pasyente sa ibang ospital kung kinakailangan.

Humingi ng pang-unawa ang pamunuan ng OMMC at tiniyak na patuloy nitong ginagawa ang lahat ng makakaya upang mabigyan ng nararapat na pangangalaga ang bawat pasyente sa kabila ng mataas na bilang ng mga nangangailangan ng serbisyong medikal.

Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here