Home METRO Testimonya ng ‘ex-DDS’ cop, nais gamiting ebidensya ng ICC  vs Digong

Testimonya ng ‘ex-DDS’ cop, nais gamiting ebidensya ng ICC  vs Digong

5
0

MANILA, Philippines – Hiniling ng International Criminal Court (ICC) prosecutors na tanggapin bilang ebidensya sa paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang preserved testimony ng isang dating Davao City police officer na sinasabing naging miyembro ng Davao Death Squad (DDS).

Sa redacted filing na isinapubliko noong Nobyembre 5, hiniling ni ICC Acting Prosecutor Mame Mandiaye Niang sa Trial Chamber III na tanggapin ang 45 transcribed statements at 61 kaugnay na materyales mula sa witness na kinilalang P-0002.

Kabilang sa supporting materials ang handwritten notes, affidavits, litrato, apat na organizational charts hinggil sa umano’y istruktura ng DDS, police service records at iba pang personal at official documents.

Ayon sa prosecution, mahalaga ang testimony ni P-0002 sa kanilang kaso dahil tumatalakay umano ito sa pinagmulan, istruktura at operasyon ng DDS, gayundin sa sinasabing papel at criminal responsibility ni Duterte.

Saklaw din umano ng testimony ang tinatawag ng prosecution na “Common Plan” sa Davao City at ang papel ng iba pang sinasabing kasabwat.

Partikular na tinukoy ng prosecutors ang tinatawag na Incident 1, na may kaugnayan sa pagpatay umano sa tatlong hinihinalang drug pushers sa San Rafael, Davao City noong bandang 2013.

Ayon sa prosecution, may ebidensya umano si P-0002 tungkol sa sinasabing polisiya na “neutralise” ang mga pinaghihinalaang kriminal, kabilang umano ang paggamit ng financial incentives at state at civilian forces.

Mga alegasyon ito ng prosecution na kailangan pang timbangin at pasyahan ng ICC.

Ininterbyu ng prosecutors si P-0002 mula Mayo 10 hanggang 16, 2022 matapos payagan ng Pre-Trial Chamber I ang pagpreserba sa kanyang testimony dahil sa posibilidad na hindi na siya maging available sa hinaharap.

May defense counsel ding naroon noong isinagawa ang interview upang protektahan ang interes ng sinumang magiging akusado.

Nakasaad sa filing na hindi na available si P-0002 para tumestigo, ngunit redacted ang detalye hinggil sa dahilan.

Dahil dito, nais ng prosecution na tanggapin ang preserved testimony sa ilalim ng Article 69(4) ng Rome Statute o, bilang alternatibo, sa ilalim ng Rule 68(2)(c) ng ICC Rules of Procedure and Evidence.

Wala pang desisyon ang Trial Chamber III sa kahilingan ng prosecution.

Nahaharap si Duterte sa tatlong counts ng crimes against humanity kaugnay ng murder at attempted murder na umano’y naganap noong kanyang panunungkulan bilang Davao City mayor at Pangulo.

Nakatakdang magsimula ang kanyang trial sa ICC sa Nobyembre 30. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here