SWITZERLAND – Tinatayang 90 milyong refugee at iba pang sapilitang lumikas sa iba’t ibang panig ng mundo ang nahaharap sa matinding panganib dulot ng climate change, ayon sa United Nations (UN).
Sa isang ulat na inilabas nitong Biyernes, Nobyembre 6, ng UN Refugee Agency (UNHCR), sinabi nitong tatlong-kapat ng mga displaced person sa buong mundo ay naninirahan sa mga bansang lubhang lantad sa mga panganib na dulot ng pagbabago ng klima.
Ayon kay Anton Leis Garcia, assistant high commissioner for operations ng UNHCR, dobleng kawalang-katarungan ang nararanasan ng mga refugee dahil napipilitan silang lumikas dahil sa mga sigalot na hindi nila kagagawan, ngunit sila rin ang higit na nalalagay sa panganib ng climate crisis na hindi naman sila ang pangunahing sanhi.
Marami sa mga tumatakas mula sa digmaan, karahasan at pag-uusig ang napupunta sa mga lugar na nakararanas ng matinding tagtuyot, mapaminsalang pagbaha at sobrang init ng panahon.
Nagbabanta rin ang climate change sa posibilidad na tuluyan nang makabalik at makapagsimulang muli ang mga displaced person sa kanilang mga tahanan.
Ayon sa UNHCR, mahigit dalawang-katlo ng mga refugee na nakabalik sa kanilang mga bansa noong unang kalahati ng taon ay umuwi sa mga lugar na lubhang bulnerable sa mga panganib na dulot ng klima.
Sa Syria, kung saan halos apat na milyong displaced person ang kamakailan lamang nakabalik, nanganganib ang pagbangon ng mga komunidad dahil sa pagliit ng suplay ng tubig sa ilalim ng lupa at mga biglaang pagbabago ng klima.
Kabilang dito ang pagbaha sa kahabaan ng Euphrates River noong Mayo na sumira sa mga tahanan at muling nagpalikas sa libu-libong residente.
Nagbabala rin ang ahensya na pagsapit ng 2050, isa sa bawat tatlong refugee settlement sa sub-Saharan Africa ang maaaring makaranas ng 100 araw o higit pa na mapanganib na init kada taon.
Samantala, mahigit 255 milyong internal displacement ang naitala sa buong mundo sa nakalipas na sampung taon dahil sa mga kalamidad na may kaugnayan sa panahon. Katumbas ito ng humigit-kumulang 70,000 katao bawat araw.
Inaasahan ding magdudulot ng mas maraming paglikas ang napakalakas na El Niño ngayong taon.
Sa East Africa, tinatayang aabot sa tatlong milyon katao sa Somalia, Kenya, South Sudan at Uganda ang maaaring mapilitang lumikas dahil sa matinding pagbaha na may kaugnayan sa weather phenomenon pagsapit ng katapusan ng 2026.
Binigyang-diin ni Garcia na hindi na malayong banta ang climate change para sa milyun-milyong tao dahil sinisira nito ang kanilang mga tahanan, kabuhayan at pag-asang makapagsimulang muli.
Ayon pa sa UNHCR, 10 porsiyento lamang ng pandaigdigang pondo para sa climate action ang napupunta sa mga bansang apektado ng kaguluhan at may malaking populasyon ng mga displaced person na lantad sa panganib ng climate change.
Dahil dito, nanawagan ang ahensya sa mga pamahalaan at climate finance institutions na isama ang mga refugee at iba pang sapilitang lumikas sa kanilang mga pambansang plano at programa sa pagpopondo para sa climate action sa nalalapit na COP31 climate conference sa Turkey. RNT/JGC