MANILA, Philippines – PINAYUHAN ang mga marinero o magdaragat at iba pang gumagamit ng dagat na iwasan ang itinalagang coastal area sa may Taft, Eastern Samar, sa Nobyembre 8 habang magsasagawa ang Philippine Army at Australian Defence Force (ADF) ng live-fire exercise bilang bahagi ng kanilang joint military training.
Sa inilabas na navigational warning ng local Coast Guard Office, araw ng Huwebes, ang live-fire exercise ay gagawin sa Barangay Polangi, Taft, mula alas-8 ng umaga hanggang tanghali, araw ng Linggo, Nobyembre 8.
Magtatatag naman ng isang temporary exclusion zone sa paligid ng itinalagang exercise area upang masiguro ang kaligtasan ng mga vessels at iba pang watercraft sa panahon ng military activity.
“All ships and watercraft planning to pass through or near the affected area have been advised to take note of the warning and observe necessary safety precautions while the exercise is underway,” ayon sa ulat.
Ang aktibidad ay bahagi ng Kasangga 2-2026, isang Army-to-Army exercise sangkot ang Philippine Army at Australian Defence Force, naglalayong palakasin ang military cooperation at paghusayin ang operational capabilities ng dalawang puwersa.
Samantala, nanawagan naman ang Coast Guard sa lahat ng mga kinauukulang ahensiya at stakeholders na malawakang ipakalat ang impormasyon para mapigilan ang mga vessels mula sa hindi sinasadyang pagpasok sa restricted area sa panahon ng live-fire activity. KRIS JOSE