Home NATIONWIDE PBBM nanawagan, gawing mas magaan, abot-kaya Pasko para sa pamilyang Filipino

PBBM nanawagan, gawing mas magaan, abot-kaya Pasko para sa pamilyang Filipino

4
0

MANILA, Philippines – INUTUSAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang sampung bagong nanumpang opisyal ng pamahalaan na unahin ang mga programa at hakbang na makatutulong sa pagpapababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pagpapagaan ng pagdiriwang ng Pasko para sa mga pamilyang Pilipino.

Sa oath-taking ceremony ng mga bagong opisyal sa Reception Hall ng Palasyo ng Malakanyang, araw ng Biyernes, sinabi ni Presidential Communications Office Secretary Lino Cayetano na kabilang sa mga prayoridad ng Pangulo ang pagpapanatiling abot-kaya ng mga pangunahing bilihin, pagpapabuti ng serbisyo sa transportasyon at pagtiyak na natatanggap ng mga manggagawa ang kanilang sahod at benepisyo ngayong kapaskuhan.

Ayon naman kay Executive Secretary Ralph Recto, nais ng Pangulo na maipagdiwang ng mga pamilyang Pilipino ang Pasko nang hindi labis na nabibigatan sa mataas na presyo ng mga bilihin at iba pang pang-araw-araw na gastusin.

Sa sektor naman ng transportasyon, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na nais ng Pangulo na mabawasan ang oras na ginugugol ng mga commuter sa biyahe at makatipid sila sa pamasahe, lalo na sa inaasahang pagdami ng mga pasahero ngayong kapaskuhan.

Bilang bahagi ng paghahanda, magdaragdag ang DOTr ng mga bus, tren at iba pang pampublikong sasakyan upang magkaroon ng mas maraming masasakyan ang mga biyahero.

Samantala, sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Giovanni Lopez na bibilisan ng ahensya ang pagkukumpuni ng mga kalsada at pagkumpleto sa mga kasalukuyang proyekto upang maiwasan ang dagdag na abala sa mga motorista.

Magtutulungan anila ang DOTr at DPWH upang matiyak ang mas maayos na daloy ng trapiko, lalo na para sa mga pamilyang bibiyahe pauwi sa kanilang mga probinsya ngayong Pasko.

Bukod sa pagpapanatiling abot-kaya ng mga bilihin at pagpapabuti ng biyahe, tiniyak din ng Palasyo na paiigtingin ng administrasyon ang pagpapatupad ng mga batas-paggawa upang mapangalagaan ang karapatan ng mga empleyado.

Kabilang dito ang pagtiyak na tama at nasa oras ang pagbabayad ng holiday pay at iba pang benepisyong ipinag-uutos ng batas.

Bahagi ang mga hakbang na ito ng direktiba ni Pangulong Marcos na gawing mas abot-kaya, maginhawa at makabuluhan ang pagdiriwang ng Pasko para sa bawat pamilyang Pilipino. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here