Home LIFESTYLE HEALTH Romblon, nakapagtala ng 793 kaso ng dengue, 7 nasawi sa loob ng...

Romblon, nakapagtala ng 793 kaso ng dengue, 7 nasawi sa loob ng 10-buwan

1
0

ROMBLON, Philippines – Hinikayat ng mga awtoridad sa kalusugan sa Romblon ang mga residente na paigtingin ang mga hakbang laban sa mga nakahahawang sakit matapos makapagtala ang lalawigan ng 793 kaso ng dengue, kabilang ang pitong nasawi, mula Enero hanggang Oktubre 2026.

Batay sa datos ng Romblon Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) para sa morbidity weeks 1 hanggang 44, 786 na pasyente ang gumaling habang pito ang namatay.

Pinakamaraming kaso ang naitala sa San Fernando na may 238, sinundan ng Cajidiocan na may 198. Sa kabuuang bilang, 312 ang kumpirmado sa laboratoryo, 137 ang probable at 344 ang suspected cases.

Minomonitor din ng Provincial Health Office (PHO) ang lima pang sakit sa parehong panahon: typhoid fever, influenza-like illness, hand, foot and mouth disease (HFMD), leptospirosis at measles-rubella.

Nakapagtala ng 212 kaso ng typhoid fever, kung saan 61 ang mula sa bayan ng Romblon at 55 sa Odiongan. Sa mga pasyente, 210 ang gumaling habang isa ang umalis sa ospital laban sa payong medikal.

Mayroon ding 108 kaso ng influenza-like illness, kabilang ang 106 suspected at dalawang kumpirmado. Pinakamarami ang naitala sa Odiongan na may 34, kasunod ang San Agustin na may 28. Walang nasawi sa sakit na ito.

Umabot naman sa 42 ang kaso ng HFMD, na karamihan ay mga batang edad 10 pababa. Pitong kaso ang naitala sa Odiongan at pito rin sa Magdiwang. Walang naitalang pagkamatay.

Nakapagtala rin ang lalawigan ng 17 kaso ng leptospirosis, kabilang ang 14 suspected at tatlong probable cases. Isa ang namatay habang 16 ang gumaling. Pinakamarami ang kaso sa Cajidiocan na may apat, kasunod ang Odiongan na may tatlo.

Samantala, 11 ulat ng measles-rubella ang naitala. Tatlo ang mula sa Ferrol at dalawa sa bayan ng Romblon. Sa mga ito, isa ang kumpirmadong rubella infection, walo ang itinuring na non-measles/non-rubella cases at dalawa ang hinihintay pang resulta. Walang nasawi.

Sa isang advisory, binigyang-diin ng Provincial Department of Health Office (PDOHO) Romblon ang kahalagahan ng pakikilahok ng komunidad upang maiwasan ang pagkalat ng mga sakit na dala ng lamok at kontaminadong tubig.

“Staying informed is our first line of defense,” ayon sa tanggapan.

Hinimok din nito ang mga residente na panatilihing malinis ang kapaligiran, sundin ang wastong kalinisan at mga hakbang sa pag-iwas sa sakit, at agad kumonsulta sa doktor kapag nakararanas ng mga sintomas. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here