Home NATIONWIDE Estudyante patay sa bumukas na engine cover ng bus, drayber at operator...

Estudyante patay sa bumukas na engine cover ng bus, drayber at operator ipinatawag ng LTO

3
0

MANILA, Philippines – Nag-isyu ang Land Transportation Office (LTO) ng show-cause order (SCO) laban sa drayber at operator ng pampasaherong bus na bumukas ang takip ng makina at tumama sa isang estudyante sa Atimonan, Quezon.

Ang insidente ay nangyari alas-5 ng umaga noong Nobyembre 5, 2026 sa northbound lane ng Maharlika Highway sa Barangay Tagbakin.

Sa police report, binabagtas ng bus ang highway nang bumukas ang takip ng makina nito at tumama sa isang estudyante na naghihintay sa gilid ng kalsada.

Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang estudyante at isinugod sa Doña Marta Hospital.

Idineklarang dead on arrival ang biktima.

Natukoy na ng LTO ang drayber at operator ng bus at pormal na isinilbi ang SCO sa kanila.

Sa kautusan ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, ang drayber at operator ay obligadong humarap sa LTO Central Office Intelligence and Investigation Division (IID) sa Nobyembre 13 para magpasa ng kanilang sworn statement at paliwanag, kasama ang supporting documents, sa umano’y paglabag sa reckless driving.

Nahaharap din ang operator sa reklamo sa pagtanggap ng reckless driver at paglabag sa franchise conditions.

Maaaring masuspinde o mabawi ang lisensya ng drayber kung mapatunayan na nagkasala ito.

Bilang bahagi ng agarang aksyon ay inatasan ng ahensya ang drayber na isuko ang kanyang lisensya sa IID para sa 90-day suspension.

Inilagay din sa alarma ang bus.

“Negligence in maintaining a passenger bus in good condition should never result in the loss of life. Every part and component of a vehicle must be ensured to be safe and in proper working condition before it travels, as even a single oversight can lead to a road tragedy,” ayon kay Lacanilao.

Siniguro ng LTO sa publioko na mapananagot ang sinumang lalabag sa mga batas at regulasyon.

Nangako rin ito na paiigtingin pa ang pagmonitor sa roadworthiness ng public utility vehicles para maiwasan ang mga kaparehong insidente at maprotektahan ang buhay ng lahat ng road user. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here