MANILA, Philippines – Naisapinal ng Senado at Kamara ang ilang probisyon ng panukalang National Children’s Nutrition Act sa isinagawang bicameral conference committee meeting sa Senate Bill No. 2272 at House Bill No. 9466, na magbibigay ng libreng Nutrisyon sa Kinder hanggang Grade 3 sa pampublikong paaralan.
Sa pahayag ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM2) na naglalayon ang panukala na ibasura at palitan ang Republic Act No. 11037 o ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.
Ang pinag-isang panukala ay nagtatatag ng National Children’s Nutrition Program na gumagamit ng life-stage approach sa pagtugon sa malnutrisyon, na kumikilala na ang nutrition interventions ay dapat magsimula nang maaga at magpatuloy sa buong paglaki ng bata upang suportahan ang pisikal na paglaki, cognitive development, at kakayahang matuto.
Binibigyang-diin ng mga natuklasan ng EDCOM 2 ang pangangailangan para sa tuloy-tuloy na nutrition interventions, kung saan isa sa bawat apat na batang Pilipino ay stunted, habang isang-kapat lamang ng mga batang wala pang limang taong gulang ang nakakatugon sa inirerekomendang energy intake.
Ang stunting, na karaniwang bunga ng talamak na kakulangan sa nutrisyon sa panahon ng First 1,000 Days, ay nauugnay sa mas mahinang educational outcomes at maaaring magdulot ng hindi na maibabalik na pinsala sa cognitive development.
Sa ilalim ng panukala, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang mga local government units (LGUs), ang magpapatupad ng Supplemental Feeding Program para sa lahat ng batang may edad dalawa hanggang wala pang limang taong gulang sa ilalim ng Early Childhood Care and Development (ECCD) system, sa lahat ng modalities (maging ang mga mag-aaral ay nasa daycare centers, supervised neighborhood play, o community at home-based programs) at anuman ang kanilang nutritional status.
Para sa mga school-age children, ang Department of Education (DepEd) ay magbibigay ng universal school-based feeding sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan mula Kindergarten hanggang Grade 3, anuman ang kanilang nutritional status, at targeted feeding sa mga undernourished learners sa Grades 4 hanggang 6.
Kasama rin sa panukala ang mga buntis na adolescent learners na naka-enroll sa mga paaralang sakop ng feeding program. Maaari ring palawakin ng DepEd ang programa sa mga undernourished, vulnerable, o Indigenous Peoples learners sa mga paaralang sakop ng voucher program ng gobyerno, kabilang ang mga nasa self-contained classes o Alternative Learning System.
“We wanted to be specific about who is responsible at every stage of a child’s life. By identifying the different feeding programs, we make clear that at every stage, there should be a program supporting the child and an agency responsible for delivering that support,” pahayag ni EDCOM 2 Co-Chairperson Sen. Bam Aquino.
Tinatugunan din ng pinalawak na coverage ang pangangailangan sa nutrisyon ng mga buntis na adolescent learners, na hindi tahasang tinukoy bilang benepisyaryo sa ilalim ng dating school feeding law. Sa ilalim ng panukala, ang mga buntis na adolescent learners ay makakatanggap ng fortified meals at karagdagang micronutrient supplementation, kabilang ang iron, folic acid, calcium, at multiple micronutrients kung kinakailangan.
Kabilang sa mga complementary interventions sa ilalim ng panukala ang regular na growth at nutrition monitoring, micronutrient supplementation, supplementary milk program, at nutrition education.






