MANILA, Philippines – Tinawag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro na “manhid” ang China sa mga diplomatikong pahayag matapos tanggihan ang panibagong pagkuwestyon ng Beijing sa makasaysayang batayan ng pag-aangkin ng Pilipinas sa Batanes Islands.
Nang tanungin kung ano ang mensahe niya sa China kaugnay ng panibagong pag-angkin nito sa pinakahilagang lalawigan ng bansa, sinabi ni Teodoro na tila walang saysay ang direktang pakikipag-usap sa Beijing.
“You know, there is no messaging that works with them. Ano ‘yan eh, manhid [ang China],” ani Teodoro sa panayam ng ABS-CBN News.
Sa halip, nanawagan siya sa mga Pilipino na huwag patulan ang mga maling impormasyon at suportahan ang mga sundalong nagtatanggol sa interes ng bansa.
Binigyang-diin niya na bahagi ng tungkulin ng mga sundalo, kabilang ang mga naglilingkod sa Ayungin Shoal, ang paglaban sa disinformation at misinformation na maaaring makasira sa paninindigan ng Pilipinas.
Mariin ding itinanggi ni Teodoro ang mga pahayag ng China na kinukuwestyon ang soberanya ng Pilipinas sa Batanes, at iginiit na may sapat na legal at makasaysayang batayan ang bansa upang ipagtanggol ang pag-aangkin nito.
“We deny that historically China’s claims are indeed questionable, and we have the arbitral award to prove it. So this is just disinformation and misinformation by China,” aniya.
Idinagdag niyang kailangang palakasin ng Pilipinas ang kakayahan nitong magdepensa at humadlang sa anumang banta upang hindi maging katotohanan ang mga maling impormasyong ipinapakalat laban sa bansa.
Muling nabuhay ang kontrobersiya matapos ihayag ng mga Chinese scholar sa isang symposium sa Jinan University sa Guangzhou, China, noong Hunyo 30 na ang Batanes ay likas na heograpikong karugtong ng Taiwan at dapat umanong mapasailalim sa soberanya ng China.
Kinuwestyon din ng mga iskolar ang makasaysayan at legal na batayan ng pagmamay-ari ng Pilipinas sa mga isla.
Nauna nang tinanggihan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang mga pahayag na ito, at iginiit na malinaw sa mga makasaysayang tala na pormal na isinama ang Batanes sa administrasyong kolonyal ng Espanya noong 1783.
Wala rin umanong makasaysayang ebidensiya na namahala ang China sa mga isla.
Kinuwestyon ni Teodoro ang kredibilidad ng mga pahayag ng mga Chinese scholar at sinabing gumagamit na rin ang China ng kahalintulad na mga naratibo laban sa iba pang mga bansa.
Bukod dito, iginiit ng kalihim na kailangang palakasin ng Pilipinas ang kakayahan nitong magdepensa, partikular sa mga maritime zone nito. Kabilang sa mga isinusulong ang pagtatayo ng mga estratehikong base militar sa baybayin ng bansa na nakaharap sa Karagatang Pasipiko.
Ayon kay Teodoro, seryosong banta ang mga naturang pangyayari at hindi dapat balewalain, bagama’t hindi niya nais na magdulot ito ng pangamba sa publiko.
Aminado siyang mangangailangan ng panahon ang pagtatayo ng mga estratehikong pasilidad, ngunit sinimulan na umano ng pamahalaan ang mga kinakailangang paghahanda.
Samantala, tiniyak ni Teodoro na hindi maaapektuhan ang mga operasyon ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines sa kabila ng nalalapit na ASEAN Summit at panawagan ng Department of Foreign Affairs na ipagpatuloy ang dayalogo at kooperasyon sa pagitan ng Maynila at Beijing. RNT/JGC