Home NATIONWIDE House probe target vs pagmimina sa Bataan

House probe target vs pagmimina sa Bataan

2
0

MANILA, Philippines – Isinusulong sa Kamara ang imbestigasyon sa umano’y exploration at mining activities sa Mount Pantingan sa Bataan na sinasabing isinagawa nang walang pahintulot ng mga apektadong Indigenous Peoples (IP) communities.

Inihain ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang House Resolution No. 1569 upang siyasatin ang operasyon ng Bataan Balanga Mineral Corp. at Benguet Corp. (BBMC-BC) sa Pantingan Peak.

Ayon sa mga komunidad ng Ayta Magbukon sa Limay, Bagac, Mariveles at Orion, bahagi ng kanilang ancestral domain ang naaapektuhan ng naturang aktibidad.

Layunin ng resolusyon na alamin ang bisa ng mining permits, pagsunod sa Free, Prior and Informed Consent (FPIC) requirement at iba pang batas na nagpoprotekta sa karapatan ng Indigenous Cultural Communities.

Sa ilalim ng Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997, kinakailangan ang pahintulot ng mga katutubong komunidad bago magsagawa ng pagmimina sa kanilang ancestral domain.

Iniulat din umano ang mainit na tubig, amoy-asupre at maputik na discharge malapit sa ilang exploration holes.

Kinuwestiyon ni De Lima kung paano naaprubahan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang 25-year renewal ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) sa Pantingan Peak sa kabila ng alegasyong walang sapat na community consent at may kakulangan sa FPIC process.

Ayon sa mambabatas, tatlong general assembly na umano ang isinagawa ngunit wala pa ring pinal na desisyon ang mga komunidad hinggil sa renewal.

“HIndi puwede yung mga konsultasyon na ningas-kugon lang — sisimulan o gagawin para lang masabi na tumalima sa batas, pero itutuloy pa rin ang proyekto kahit walang pahintulot ang komunidad,” ani De Lima.

Binigyang-diin niya na dapat magkaroon ng maayos at tunay na konsultasyon sa mga katutubong komunidad sa anumang proyektong maaaring makaapekto sa kanilang ancestral domain. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here