Home NATIONWIDE Grupo: Pax Silica maaari pang mapigilan

Grupo: Pax Silica maaari pang mapigilan

1
0

MANILA, Philippines – Naniniwala ang isang progressive group na maaari pang mapigilan ang planong Pax Silica initiative sa Pilipinas sa gitna ng mga protesta at pangamba sa magiging epekto nito sa mga komunidad at kapaligiran.

Ayon kay BAYAN USA chairperson Nieves Delgado, maaaring makaapekto sa interes ng mga investor ang malawak na pagtutol sa proyekto.

“There’s already been pronouncements that investors are spooked because of the mass outrage against the Pax Silica in the Philippines,” ani Delgado sa isang forum nitong Linggo.

Ang Pax Silica ay isang US-led initiative na naglalayong palakasin ang supply chains para sa mga teknolohiyang gaya ng semiconductors at iba pang critical inputs na ginagamit sa AI-related industries. Kabilang sa plano ang isang 4,000-acre economic security zone sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Kinukuwestiyon ng ilang grupo ang proyekto dahil sa posibleng epekto nito sa kapaligiran at mga katutubong komunidad.

Samantala, sinabi ni Copeland Downs ng International Coalition for Human Rights in the Philippines-US na posibleng magpatuloy pa rin ang inisyatiba dahil nananatiling malakas sa US Congress ang suporta sa mga proyektong nakatuon sa paglago ng ekonomiya.

Kaugnay nito, nilinaw ni US Ambassador to the Philippines Lee Lipton na walang nakatakdang anunsyo o paglagda kaugnay ng Pax Silica sa ASEAN Summit sa Maynila ngayong Nobyembre.

Aniya, anumang desisyon hinggil sa proyekto ay gagawin sa konsultasyon sa gobyerno ng Pilipinas at matapos talakayin ang magiging epekto nito sa mga stakeholder.

Gayunman, sinabi ng BAYAN USA na naniniwala silang maaaring mapag-usapan pa rin ang Pax Silica kasabay ng ASEAN Summit kung saan inaasahang dadalo si US President Donald Trump.

Naghahanda naman ang ilang progressive at labor groups ng mga protesta laban sa Pax Silica at sa pagbisita ni Trump sa bansa. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here