MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga opisyal at ahensiya ng gobyerno na iayon sa polisiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanilang mga pampublikong pahayag kaugnay ng China.
Binigyang-diin ng DFA na ang Pangulo ang pangunahing tagapagbalangkas ng foreign policy ng bansa at hindi maaaring magkanya-kanyang direksiyon ang mga opisyal o ahensiya sa pakikitungo sa ibang bansa.
Ayon sa kagawaran, maaaring makasagabal sa diplomatic efforts ng pamahalaan ang ilang pahayag hinggil sa China at sa mga kilos nito sa West Philippine Sea.
Sinabi rin ng DFA na mahalaga ang pagdodokumento at pagsasapubliko ng mga insidente sa West Philippine Sea upang maitatag ang mga katotohanan at kontrahin ang disinformation.
Gayunman, iginiit nitong hindi maaaring maging kapalit ng diplomasya ang transparency at public messaging.
Inilabas ang pahayag matapos makausap ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro sa telepono ang Chinese Foreign Minister na si Wang Yi bilang bahagi ng pagsisikap na mapanatili ang ugnayan ng Pilipinas at China bago ang ASEAN at APEC meetings.
Gaganapin ang ASEAN Summit sa Metro Manila mula Nobyembre 16 hanggang 18, habang nakatakda naman ang APEC Economic Leaders’ Meeting sa Shenzhen, China sa Nobyembre 18 at 19. Dave Medina