CALOOCAN CITY – Sugatan ang mag-ama habang dalawa pa nilang kaanak ang nawawala matapos sumiklab ang sunog sa residential area sa Barangay 7, Caloocan City madaling araw nitong Lunes, Nobyembre 9.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagtamo ng mga paso ang ama at kanyang anak at agad isinugod sa ospital.
Sumiklab ang apoy dakong alas-4 ng madaling araw sa Velasco Street at umabot sa first alarm.
Patuloy namang hinahanap ng rescuers ang ina at isa pang anak na pinaniniwalaang nasa loob ng dalawang palapag na bahay kung saan hinihinalang nagsimula ang sunog.
Mahigit 24 fire truck ang rumesponde habang tumulong din ang mga residente sa pamamagitan ng bucket brigade upang madagdagan ang suplay ng tubig.
Idineklarang fire out ang sunog dakong alas-5:25 ng umaga.
Limang bahay ang naabo at 23 pamilya ang naapektuhan.
Patuloy ang mopping operation ng BFP habang inaalam pa ang sanhi ng sunog at hinahanap ang dalawang nawawalang miyembro ng pamilya. Mary Anne Sapico