Home METRO 5 suspek sa magkahiwalay na nakawan, holdapan sa Cavite arestado

5 suspek sa magkahiwalay na nakawan, holdapan sa Cavite arestado

2
0

CAVITE – Limang suspek ang naaresto sa magkahiwalay na insidente ng pagnanakaw sa isang convenience store sa General Trias City at panghoholdap sa isang gasolinahan sa Bacoor City.

Sa General Trias, naaresto ang mga suspek na kinilala sa mga alyas na “Ces” at “Bryan” matapos umanong pasukin at nakawan ang isang convenience store sa Marycris Complex, Barangay Pasong Camachile II.

Dakong alas-6:15 ng umaga nang mapansin ng isang empleyado ang sirang bahagi ng bubong at kisame ng tindahan.

Agad itong iniulat sa barangay at pulisya.

Sa pagsusuri ng CCTV footage, nakita umano si alyas Ces na paikot-ikot sa tabi ng tindahan bago sumakay sa motorsiklong minamaneho ni alyas Bryan at tumakas.

Sa follow-up operation, natunton ng pulisya ang motorsiklong ginamit umano ng mga suspek sa Sitio Ilang-Ilang na humantong sa kanilang pagkakaaresto.

Patuloy pa ang inventory ng pamunuan ng tindahan upang matukoy ang halaga ng mga nawawalang paninda at pinsala sa establisimyento.

Samantala, tatlong lalaki naman ang naaresto sa Parañaque City matapos umano silang masangkot sa panghoholdap sa isang gasolinahan sa Barangay Zapote 3, Bacoor City nitong Linggo ng umaga.

Batay sa CCTV footage, makikita umano ang isa sa mga suspek na nakasakay sa motorsiklo habang tinututukan ng baril ang kahera ng gasolinahan.

Nagsagawa ng hot pursuit operation ang Bacoor Police at natunton ang mga suspek sa isang apartelle sa Parañaque City.

Narekober umano sa kanila ang dalawang cellphone, humigit-kumulang P8,000 cash at mga replica ng baril na hinihinalang ginamit sa holdapan.

Nasa kustodiya na ng Bacoor Police ang tatlong suspek habang inihahanda ang kaukulang kasong kriminal laban sa kanila.

Margie Bautista

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here