URUGUAY – Hinimok ni Pope Leo XIV ang mga kalalakihan na igalang ang kanilang mga asawa, habang tinatapos niya ang unang bahagi ng kanyang pagbisita sa Latin America nitong Linggo — isang rehiyong matagal nang pinahihirapan ng karahasan batay sa kasarian.
Ayon sa regional economic mission ng UN, mahigit 3,800 kababaihan ang napatay sa Latin America at Caribbean noong 2024 dahil sa kanilang kasarian.
Sa nakalipas na limang taon, umabot na sa halos 20,000 femicide ang naitala sa rehiyon, karamihan ay ginawa ng kasalukuyan o dating karelasyon ng biktima.
Tinapos ni Leo ang unang bahagi ng kanyang 12-araw na paglilibot sa Uruguay sa pamamagitan ng open-air Mass sa labas ng basilica sa south-central city ng Florida.
Ang basilica ay tahanan ng isang dambana na may kaugnayan sa pakikipaglaban ng Uruguay para sa kalayaan mula sa kolonyal na pamamahala ng Espanya.
Libu-libong mananampalataya ang dumagsa sa main square ng lungsod para sa misa, sa ilalim ng mainit na sikat ng araw matapos ang ilang araw ng hindi pangkaraniwang lamig na dulot ng napakalakas na El Niño.
Binigyang-diin ni Evangelina Campero, 57, ang “pagsisikap na ginagawa ng Santo Papa” sa pagsabak sa isang mabigat na paglilibot, tatlong linggo lamang matapos sumailalim sa operasyon dahil sa lung cancer.
Ang papa ay magtutungo naman sa Argentina, kung saan makikipagkita siya kay President Javier Milei, isang right-wing libertarian na ang mga patakaran sa austerity ay umani ng matinding kritisismo mula sa Simbahang Katolika.
Ang inaasahang pinakatampok ng kanyang pagbisita ay ang ikatlo at huling bahagi ng tour — ang Peru.
May natatanging ugnayan si Leo sa Andean country, kung saan ginugol niya ang halos dalawang dekada bilang misyonero, kabilang ang walong taon bilang obispo. Jocelyn Tabangcura-Domenden