Home OPINION HINDI PAGTATANIM NG PALAY HINDI BIRO

HINDI PAGTATANIM NG PALAY HINDI BIRO

1
0

NAKABABAHALA ang natatagpuan ng Department of Social Welfare and Development na may mga magsasaka nang hindi nagtanim ng palay at mais para sana sa susunod na anihan sa Pebrero-Marso-Abril 2027.

Natatagpuan ito habang namamahagi ang DSWD ng emergency cash transfer sa mga magsasaka ng palay at mais na natamaan na ng super El Nino.

Kasama sa mga pinagbibigyan ng ECT ang mga nasa Cagayan Valley, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, SOCCSKSARGEN at Caraga, kasama ang mga hindi nagtanim.

Rason ng mga magsasaka: Mamamatay lang ang mga tanim sa kawalan ng tubig, sayang lang ang gastos sa produksyon at pagpapagod dahil mauuwi lahat sa lubos na pagkalugi.

Sa mga magpapalay, may ulat ding dumating sa ating pahayagang Remate na kalahati lang ang kanilang naani dahil natuyot ang mga palay sa kawalan ng tubig pagdating ng anihan nitong Oktubre.

Para sa mga may irigasyon na may tiyak na pinagkukunan ng tubig, tuloy ang pagsasaka, subalit tumitigil din gaya ng nagaganap kung tag-araw sa Central Luzon dahil inihihinto ng Angat Dam ang suplay ng tubig at inilalaan ang tubig sa Metro Manila.

Para sa mga umaasa lang sa ulan, ganap na talagang tumigil ang pagsasaka.

Ang mga gumagamit ng generator para magpatubig, tumigil din dahil sa napakamahal na diesel at gasolina na humahantong sa matinding pagkalugi, lalo na ang mga nagpa-5/6 sa pangungutang.

SUPER EL NINO HANGGANG MAYO 2027

Matindi ang sinasabi ng PAGASA na itotodo ng super El Nino ang bagsik nito makaraan ang paglamig ng panahon mula Pebrero at magtatapos ito sa Mayo 2027.

Ang masama pa, hindi lang mga magsasaka sa palay at mais ang matatamaan kundi pati ang mga mangingisda.

Matutuyo ang mga palaisdaan na roon inaalagaan ang mga isda, hipon, alimango at iba pa.

Sa mga taga-Lawa gaya sa Laguna de Bay at Taal Lake, maglalasa at mag-aamoy gilik ang mga isda at hindi kayang tanggapin ng sikmura ang mga amoy at lasa ng mga ito.

Magkakaroon din ng mga peste sa iba pang mga pananim at iba pang mga hayop gaya ng manok, baboy at iba pa.

Magkakaroon pa ng mga forest fire na ikasisira rin ng mga puno, kasama ang mga nagbubunga, at magkakaroon pa ng masamang kalagayan sa kapaligiran sa usok na lilikhain ng mga ito.

Ganyan katindi ang magiging epekto ng super El Nino sa produksyon ng pagkain at kapaligiran.

MGA PAGHAHANDA AT MGA KORAP
Aktibo ang buong pamahalaan sa paghahanda laban sa super El Nino.

Ngunit gaano kahanda talaga ito lalo’t pinagbabawasan umano ang pondo para sa National Disaster Risk Reduction Management Council para sa 2027 at kasama sa mga ibinawas ay inilaan sa mga pork barrel ng mga kongresman?

Inuuna pa ng mga kongresman na korap na punuin ang kanilang bulsa at maleta kaysa isalba ang mga mamamayan sa kapahamakan, lalo’t huli na nilang baraha ito sa pagnanakaw sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Kung kakapusin ng pondo ang gobyerno laban sa kalamidad, saan kayang bangin tayo mahuhulog?

Alalahaning hindi kikilos ang gobyerno nang walang pondo at pilay na pilay sa kakulangan nito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here